PINASALAMATAN ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nitong Lunes ang gobyerno ng Amerika para sa paglalabas ng dagdag na P296.2 milyon bilang tulong para sa mga pamilyang apektado ng digmaan sa lungsod ng Marawi.
“We greatly appreciate this generous gesture being extended by the United States to our kababayan in Marawi,” pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
“The latest assistance would bring to more than PHP1.5 billion the amount the United States has allocated for the rehabilitation and recovery of displaced communities in Marawi,” dagdag pa niya.
Nitong Sabado, inanunsiyo ni US Deputy Chief of Mission to the Philippines Micheal Klechski ang dagdag na tulong na ipapadala sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID).
Sa kabuuan, umabot na sa mahigit P1.7 bilyon o $31.95 million ang naipaabot na tulong ng pamahalaan ng Amerika, ayon sa embahada ng US sa Maynila.
Ilalaan ang P136.1 milyon mula sa kabuuang halaga, para sa apektadong kababaihan.
Ayon sa embahada, isa itong paraan upang palakasin ang sektor ng kababaihan para sa pagsusulong ng kapayapaan at alternatibo sa karahasan, gayundin ang integrasyon ng kasarian para sa pagbangon at rehabilitasyon ng lungsod.
Samantala, ang natitirang P160.1 milyon ay gagamitin naman para sa restorasyon ng kabuhayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga pagsasanay at tulong-pinansyal upang makatulong sa mahigit 7,800 apektadong pamilya sa loob at paligid ng Marawi.
PNA