MURAHIN mo na ang lahat–kaaway, kaibigan, mga negatibong tao–pero kwidaw ka, huwag mong murahin o lapastanganin ang Panginoong Diyos.
Maaaring nasa poder ka ngayon. Nakaupo ka sa trono ng kapangyarihan. Subalit tandaan na lahat ng bagay ay lumilipas sa mundong ito. Nawawala ang lakas, kumukupas ang ganda, bumabagsak ang palalo, napaparam ang kasikatan, at sa dakong huli ay kamatayan!
Meron ngang Latin phrase na “sic transit gloria mundi” o “Thus passes the glory of the world.” Sa wika ni Balagtas “Lumilipas din ang glorya o kaluwalhatian sa mundo”.
Nasaan na ngayon ang mga diktador, mapanlupig, mapang-api na nabuhay sa ating daigdig? Nasaan na ngayon sina Herod, Nero, Hitler, Mussolini, Stalin at iba pa? Noong panahon nila, nasa rurok sila ng kasikatan, kalakasan, at kapangyarihan. Subalit ngayon, mga alabok sila na bahagi ng kasaysayan na kinokondena. Ang kanilang mga bungo ay katulad din ng mga bungo ng mga taong kanilang inapi at minaltrato.
Apat na mahistrado ng Korte Suprema ang nominado sa puwesto ng Chief Justice na nabakante matapos ma-quo warranto si ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Sila ay sina Acting SC Chief Justice Antonio Carpio, Associate justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta at Lucas Bersamin. Para kay Carpio, hindi siya interesado na maging Punong Mahistrado. Tinanggihan niya ang nominasyon.
Dalawang beses nang na-bypass si Carpio sa puwesto ng Chief Justice–noong 2010 at 2012. Noong 2010, tumanggi siyang ma-nominate dahil election period. Si Renato Corona ang hinirang ni ex-PGMA. Dapat na siya ang hinirang ni PNoy noong 2012 sapagkat siya ang pinaka-senior, pinakahinog. Ngunit, ang hinirang ni PNoy ay si Sereno na 52-anyos lang noon, kulang sa karanasan at magiging Chief Justice sa susunod na 18 taon. Hanggang sa siya ay ma-quo warranto.
Marami ang humahanga kay Carpio sa pagkakaroon ng delicadeza, integridad at paninindigan. Hindi siya tulad ng iba na susunggaban agad ang anumang alok. Kontra rin siya sa pagsasawalang-kibo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pag-okupa ng China sa mga reef ng Pilipinas at militarisasyon. Ayaw daw ni Digong na magalit ang China dahil baka tayo giyerahin, eh, wala tayong kalaban-laban.
Nakikiramay ako sa pagyao ng aking kababata at kaibigan na si Ricardo (Carding) Nazar ng San Agustin, San Miguel, Bulacan noong Hunyo 25. Sa Paranaque City siya nakatira. Sa aming youthful escapades, kasama ko siya sa panliligaw, pamamaril ng mga ibon at isda sa aming baryo at kalapit-lugar.
Mamahinga ka na kaibigan. Ngayon ay makakasama mo na ang iba nating kababata, kaibigan at kamag-anak na naunang pumanaw!
-Bert de Guzman