Tiniyak ni Communications Secretary Martin Andanar na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang maiwasan na muling magkamali ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga media releases nito sa social media.

Ito ang siniguro ni Andanar sa kanyang Instagram account makaraang pansinin mismo ni Senator Sherwin Gatchalian kung paanong namali ang ahensiya sa pagtukoy sa kanyang pangalan bilang “Winston Gatchalian” sa news release sa website ng PCOO nitong Hunyo 13, 2018.

Sa sagot sa komento ng broadcaster na si Arnold Clavio sa Instagram post ni Gatchalian, sinabi ni Andanar na naiwasto na ang nasabing pagkakamali.

“@akosiigan thanks for the heads up. Corrected already. Making necessary adjustments sa SOP hanggang maayos lahat,” sagot ni Andanar.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Andanar na ginagawa na ng PCOO ang lahat upang maiwasang maulit ang pagkakamali.

“We are taking the necessary steps to avoid this mistake,” ani Andanar. “We will keep you posted. Usec Marvin Gatpayat and Usec Lorraine Badoy are handling the changes. They are meeting the team tomorrow.”

Naglathala rin ng erratum ang PCOO sa website nito at humingi ng paumanhin kay Gatchalian.

Kaugnay nito, nag-tweet naman si Gatchalian ng pasasalamat sa PCOO sa pag-amin sa naging pagkakamali nito.

“I hope (and pray) that this error will be the final one. Maraming salamat sa acknowledgment,” tweet ng senador.

Nitong Sabado, nag-tweet si Gatchalian sa PCOO: “May pagasa pa ba ang PCOO???”, kasama ang screenshot ng maling post.

Ang huling pagkakamali ng PCOO ay nangyari isang linggo makaraang tukuyin ng ahensiya sa isa nitong post si dating National Security Adviser Roilo Golez bilang “Rogelio”, isang araw makaraang tawaging “Norwegia” ang Norway.

-Argyll Cyrus B. Geducos