SA gitna ng mga ulat ng taas-presyo ng pangunahing mga bilihin, pagmahal ng gasolina, hakbang na itaas ang singil sa tubig, mungkahing dagdag-pasahe para sa light rail transit at ang naitalang mababang halaga ng piso sa P53 kontra dolyar, nangibabaw ang ulat para sa pangunahing pangangailangan ng mga mamimili—ang pagbaba ng presyo ng bigas, ang pangunahing pagkain sa bansa.
Dumating nitong nakaraang linggo ang bigas na inangkat ng National Food Authority sa Subic Port. Isa pang kargamento ang dumating sa Cebu International Port para sa pamamahagi sa Central Visayas. Ang iba naman ay dumating na rin sa Surigao port para sa Mindanao. Dulot ng pagdating ng mga inangkat na bigas, inaasahan nang bababa ang presyo ng NFA rice sa P27 mula sa P32 kada kilo. Magdudulot naman ito ng pagbaba ng presyo ng mga komersiyal na bigas sa P36 mula sa dating P38 kada kilo.
Bigas ang isa sa mga produkto na ang presyo ay hindi maaaring itaas ng gobyerno sa halagang hindi abot-kaya para sa pinakamahihirap na sektor sa bansa. Kaya naman sa kabila ng kasiguraduhan ng Department of Agriculture na kakayanin na ng mga Pilipinong magsasaka na maibigay ang supply na kinakailangan sa bansa, patuloy tayong bumibili ng daang libong tonelada ng murang bigas sa Vietnam at Thailand.
Nang bumaba ang bilang ng imbak na bigas na NFA nitong mga nakalipas na linggo, kung saan makikita ang pagbaba ng patong ng mga kaban ng bigas sa mga bodega, nagsimulang magsitaasan ang presyo ng iba’t ibang klase ng bigas sa mga pamilihan. Agad namang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pag-aangkat. Ito ang mga dumating na bigas kamakailan sa Subic, Cebu, at Surigao. Kasunod nito ang paglitaw sa mga pahayagan ng larawan ng nagtataasang kaban ng bigas na halos umabot sa mga kisame at tumitiyak sa paghupa ng pangamba ng kakulangan at pagbaba ng presyo.
Ang murang angkat na bigas, na may 15 hanggang 25 porsiyento ang itinuturing na broken grains, ang sumisiguro na patuloy na magkakaroon ng sapat na supply ang mahihirap na pamilya para sa kanilang pangangailangan. Habang ang karamihan ng mamamayan ay kokonsumo ng bigas mula sa ating mga magsasaka.
Patuloy ang pag-angat ng lokal na produksiyon sa mga nakalipas na taon, kasabay ng pagtaas sa paggamit ng mga dekalidad na uri ng palay, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga lugar na mayroon nang libreng patubig, pagtaas ng mekanisasyon sa pagsasaka at ang pagrami ng bilang ng kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka na nakikinabang sa pag-angat ng ekonomiya.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, pagsapit ng 2020 ay kakayanin na ng Pilipinas na masuplayan ang sarili sa ilalim ng programa na kabilang ang nasa milyong ektarya ng hybrid rice, paglalagay ng maliliit na irigasyon, paggamit ng solar power irrigation sa buong bansa at pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga magsasaka.
Sinabi ni Pangulong Duterte na sa tuwing tumaas ang presyo ng bigas na masyadong mabigat para sa mahihirap, kinakailangan itong ibaba sa pamamagitan ng pang-angkat ng bigas, katulad ng ginawa ng pamahalaan nitong mga nakaraang linggo. Ngunit mananatili ang pangunahing layunin— na darating ang araw hindi na natin kailangan pang umangkat ng bigas mula sa Vietnam o sa Thailand dahil sapat na ang ani ng ating mga magsasaka para sa pangangailangan ng mga mamamayan.