BILANG bahagi ng pagdiriwang ng “National No Smoking Month” ngayong Hunyo, nanawagan ang Department of Health ng Central Visayas (DoH-7) sa lahat ng lokal na pamahalaan ng rehiyon na ipatupad ang ‘smoke-free ordinance.’
Ayon kay Region 7 Health Information Officer Ligaya I. Moneva, kinakailangan nang ipatupad ang smoking ban sa lahat ng pampublikong lugar sa rehiyon bilang tugon sa suhestiyon ng World Health Organization (WHO).
“We encourage all the LGUs, the municipalities, and cities to have a smoke-free ordinance as compliance to the WHO Framework Convention on Tobacco Control which also states that no retail store within the 100-meter radius from any schools should be allowed to sell cigarettes,” paliwanag ni Moneva.
Layunin ng pagdiriwang ng “National No Smoking Month” na ipaalam sa publiko ang sakit na maaaring makuha sa paninigarilyo at hikayatin ang mga naninigarilyo na itigil ang paggamit nito, dagdag pa na 240 Pilipino o 10 tao bawat oras ang namamatay araw-araw dahil sa sigarilyo.
Ayon kay Moneva, kinakailangan na magkaroon ang bawat establisyemento ng smoking area bilang pagsunod sa Executive Order 26 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 17, 2017.
Bagamat ipinatutupad na ang smoke-free ordinance sa Cebu City, sinabi ni Moneva na kailangan ang mahigpit na implementasyon lalo’t marami pa rin ang nakikitang naninigarilyo sa mga pampublikong lugar at patuloy pa rin naibebenta ang sigarilyo sa mga tindahan na malapit sa mga paaralan.
Sa kabila nito, masaya ang ahensiya sa malaking pagbaba ng bilang ng mga naninigarilyo sa bansa, base sa Global Adult Tobacco Survey - Philippines.
Aniya, malaki ang naitulong ng EO 26 o Sin Tax Law at ang pagbabawal ng pagbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad sa pagbaba ng bilang ng mga naninigarilyo.
Nagbabala rin si Moneva sa publiko hinggil sa panganib dulot ng paggamit ng electronic cigarettes at vapes na, aniya, 14 na beses na mas mataas ang smoke intensity kaysa sigarilyong gawa sa tobacco.
PNA