ILANG pari na ang napatay sa nakalipas na ilang linggo. Ang pagpatay sa kanila ay talaga bang sinadya o iyong tinatawag na “isolated case”?
Ang pinakahuling pinatay na pari ay si Fr. Richmond Nilo sa Zaragoza, Nueva Ecija noong nakaraang linggo. Ayon sa balita, isa sa mga suspek sa pagpatay sa paring katoliko ay nadakip na. Siya ay si kinilala ni PNP Chief Supt. Amador Corpus, Central Luzon police director, na si Adell Roll Milan.
Ayon kay Corpus, si Milan ay tinukoy ng isang altar boy, na siyang bumaril habang naghahanda ang pari para magmisa sa loob ng isang chapel sa Zaragoza noong Linggo. Si Milan umano ay isang drug addict at isa ring gun for hire. Nadakip siya noong Huwebes sa Barangay Malapit, San Isidro, Nueva Ecija. Hindi pa alam ang motibo ng pagpatay.
Binira ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Pres. Rodrigo Roa Duterte dahil sa biglaang pagkansela sa resumption ng peace talks ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF. Ayon kay Joma, nakalulungkot at nakasisiphayo ang pasiya ni Mano Digong na kanselahin ang usapang-pangkapayapaan na gagawin sa Hunyo 18 sa Oslo, Norway. Mr. Joma, di ka na nasanay sa pabagu-bagong pahayag at desisyon ng Pangulo.
Kumasa si Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa hamon ni Sen. Antonio Trillanes IV. Hinamon niya ang rebeldeng senador na mag-”on-on-one” sila. Kahit ano raw uri o porma ang pag-one-one-one nila, sasagupain niya si Trillanes.
Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ano kaya ang one-on-one nila? Duwelo kaya o boksing?” Batay sa nabasa ko, gusto yata ni Trillanes na ang one-on-one ay magpakitaan sila ng kanilang kayamanan. Nais ni Trillanes na buksan ang kanilang deposito sa mga bangko para malaman kung sino ang may tagong yaman. Dagdag ni Trillanes kay Go: “Isama mo na ang boss mo.”
-Bert de Guzman