SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas noong panahon ng mga prayle, tatlong dakilang paring Pilipino ang sunud-sunod na binitay sa pamamagitan ng garote (strangulation). Hindi na malilimot sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora na nakilala sa tawag na GOM-BUR-ZA. Isinangkot sila sa Cavite Revolt o Himagsikan sa Cavite noong Enero 20,1872. Dinakip ang Gomburza. Kumuha ng isang sinungaling na saksi. Sa ginawang mock trial o kunwariang paglilitis, sa halip na ipagtanggol sina Gomburza ay ipinagkanulo sila ng kanilang abogado. Nahatulan ang Gomburza ng kamatayan sa pamamagitan ng garote. Nangyari ang pag-garote sa kanila noong umaga ng Pebrero 17, 1872. Bilang pagpupugay sa Gomburza, ang nobelang “El Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal ay inihandog niya para sa mga ito.
Sa ating makabagong panahon, sa loob ng anim na buwan, tatlong paring Pilipino ang binaril at napatay. Sila’y sina Father Mark Ventura, 37; Father Marcelito Paez, 72; at Father Richmond Nilo, 44. Si Father Ventura ay binaril at napatay matapos magmisa sa Gattaran, Cagayan noong Abril 27, 2018. Si Father Marcelito Paez ay napatay noong Disyembre 5, 2017 matapos tambangan sa Jaen, Nueva Ecija.
Nakikipag-usap si Father Mark Ventura sa mga miyembro ng choir nang dumating ang dalawang hindi nakilalang suspek sakay ng motorsiklo. Bumaba ang isa sa mga suspek at lumakad palapit kay Father Ventura at sa mga kausap nito at doon pinaputukan ng dalawang beses pari bago mabilis na tumakas.
Binaril at napatay naman si Father Richmond Nilo noong Hunyo 10, 2018. Nasa likod ng altar ng Señora dela Nieve chapel sa Barangay Mayamot, Zarragoza, Nueva Ecija at naghahanda para magmisa nang paputukan ng apat na beses ng dalawang hindi nakilalang suspek na mabilis ding tumakas.
May iba’t ibang paniniwala sa ginawang pagpatay kay Father Nilo. Ayon sa militanteng pangkat ng Karapatan, maaaring ang pagpatay kay Father Nilo ay may kaugnayan sa pagtatanggol niya sa mga karapatang pantao at ang kanyang anti-mining advocacy.
Kinonena naman ng Diocese ng Cabanatuan City ang pagpatay kay Father Nilo at ang lumalaganap na karahasan at kultura ng pagpatay sa bansa kahit sa mga walang kalaban-laban na mga pari.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, hindi dapat patayin ang mga pari at mga tao. Ang mga pari ang regalo ng Diyos sa Kanyang Simbahan na kailangang igalang bilang mga ambassador ni Kristo. Ang pagpatay sa mga pari anuman ang motibo at dahilan ay hindi maka-Kristiyano at makatao.
Sa pahayag naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, ang pagpatay sa mga pari sa bansa ay hindi makapipigil sa Simbahan sa pagsasabi ng katotohanan at pagpapahayag ng Ebanghelyo.
Lubha namang nabahala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa naganap na pagpatay sa mga pari at labis itong ikinalungkot. Matinding kinondena ng CBCP ang nasabing mga pagpatay sa mga pari.
Marami tayong mga kababayan at religious leader ang nagsabing ngayon lamang may nangyaring pagpatay sa mga pari. Binanggit pa na noong Martial Law, walang paring pinatay ang rehimen ng diktaduryang Marcos kundi dinakip at ikinulong lamang dahil sa kanilang pagbatikos sa diktador. May nagsabi naman at nagbiro na pati mga pari ngayon ay tinoTOKHANG na.
Sa nangyaring pagpatay sa tatlong pari, ang Philippine National Poice (PNP) naman ay aligaga at parang hindi maihing pusa sa pag-iimbestiga sa kaso ng tatlong paring pinatay. Ayon sa PNP, nitong Hunyo 15, 2108, ibinalita na ang isa sa limang suspek sa pagpatay kay Father Richmond Nilo ay nadakip na.
Kung patuloy ang PNP sa paglutas sa mga kaso ng pagpatay sa tatlong pari, patuloy rin ang paghihintay ng mga kamag-anak, mga kaibigan, mga parishioner nila at ng Simbahan na mabigyan ng katarungan ang tatlong paring pinatay.
-Clemen Bautista