KINUMPIRMA ni Ombdusman Conchita Carpio-Morales na iniimbestigahan ng kanyang tanggapan si Solicitor General Jose Calida kaugnay ng multi-million-peso contracts ng security company ng kanyang pamilya sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sinisiyasat si Calida dahil sa patuloy na paghawak niya ng majority shares sa security agency ng pamilya, ang Vigilant Investigative and Security Agency (VISAI), kahit siya ay nahirang na bilang solicitor general noong Hulyo 2016.
Si Calida ang naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court laban kay ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno bunsod umano ng hindi paghahain ng Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Dahil dito, hindi umano angkop na maging Punong Mahistrado si Sereno. Napatalsik si Sereno sa botong 8-6.
Ayon kay Carpio-Morales, ang kaso ay nasa fact-finding stage at pagpapasyahan ng field investigators kung may probable cause upang sampahan si Calida ng formal complaint. Ayaw magsalita ng babaing may “balls” kung may pananagutan o liabilities si Calida dahil ayaw niyang pangunahan ang imbestigasyon.
Gayunman, noong Martes ng gabi, sinabi niyang maaaring papanagutin si Calida ng conflict of interest. Ipinaliwanag niya na bilang punong abogado ng gobyerno, si Calida ay may mga tungkulin sa mga tanggapan ng gobyerno na may business transactions sa VISAI.
Hinamon ng mga mambabatas si DFA Sec. Alan Peter Cayetano na ihayag sa publiko ang umano’y mahigit sa 100 diplomatic protests na inihain ng PH government laban sa China dahil sa paglabag sa soberanya ng bansa.
Sa pangunguna nina Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Risa Hontiveros, tinawagan nila si Cayetano na kung totoong may mga protesta ang Pilipinas laban sa dambuhalang China, dapat itong ipaalam sa taumbayan.
Naniniwala sina Drilon, Hontiveros at iba pang miyembro ng Senate Minority bloc na makabubuti ang paghahayag ni Cayetano sa umanoy mga protesta na inihain nito upang mabawasan ang alinlangan at galit ng mga Pinoy sa pagsasawalang-kibo ng administrasyon sa pananakop ng bansa ni Pres. Xi Jinping.
Sumugod noong Miyerkules ang grupong Kadamay sa isang housing project sa Montalban (ngayon ay Rodriguez), Rizal na inilaan para sa mga tauhan ng military at PNP. Nais nilang okupahan ang mga pabahay roon, tulad ng ginawa nilang pag-okupa sa pabahay noon sa Pandi, Bulacan. Itinaboy ng mga pulis ang may 500 kasapi ng Montalban Homeless Association (MHA), local chapter ng militanteng Katipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
Kapansin-pansin na malakas ang loob ng grupong ito dahil minsan ay pinagbigyan sila ni Pangulong Duterte na okupahan ang isang pabahay para sa mga sundalo at pulis. Ngayon, nais nilang okupahan ang mga pabahay na hindi pa inookupahan sapagkat sila raw ay walang bahay at lupa. Katwiran ba ito?
-Bert de Guzman