PATULOY ang pagbuti ng daloy ng trapiko sa Metro Manila nitong mga nakaraang linggo. Ang mga naranasang pag-ulan at sunud-sunod na kanselasyon ng klase sa maraming lungsod at kalapit na mga probinsya ay nakatulong upang mapababa ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan. Nakatulong din ang pagtaas ng presyo ng gasolina. Ngunit mas kapansin-pansin ang mas maayos na pamamahala sa trapik.
Ang maraming “choke points” tulad ng mga intersection sa maraming kalye, kasama ang Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), ay pinipilahan pa rin ng maraming sasakyan , ngunit hindi na kasing dami noon. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Chairman Danilo Lim, pinagtutuunan nila ng atensiyon ang mga choke point kabilang ang pag-aalis ng mga bus terminal sa siksikang bahagi ng Cubao.
Ang mga harang na dating pinapabayaan lamang sa maraming kalye at bangketa, tulad ng mga sidewalk vendors at mga nakaparadang sasakyan, ay inalis na rin. Naglaan din ng mga pagsasanay para sa traffic enforcer na nakatulong upang magbigyan ng sapat na kaalaman at kumpiyansa ang mga ito sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko at pakikitungo sa mga drayber at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Sa isang insidente nitong nakalipas na buwan, nakasagutan ni MMDA traffic supervising officer for operations in Quezon City sector 6 Edison Nebrija, ang isang pulis na sinusubukang protektahan ang jeep para hindi mahatak. Sa tulong ng Facebook post, nanaig ang argumento ng MMDA traffic enforcer at naituloy ang pagpataw ng traffic-violation sa jeep.
Ang paglilinis sa mga nakahambalang sa mga kalsada at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko ay malinaw na nakatulong sa pagpapabuti sa daloy ng trapiko sa Metro Manila. Makikita natin ang mas maraming mabuting pagbabago sa situwasyon ng trapik kapag ipinatupad na ng Department of Transportation ang planong pagpapalit ng mga lumang jeep para sa mas bago at mas makakalikasang sasakyan.
Ang plano ng Department of Public Works and Highways na konstruksiyon ng maraming overpass, tulay at bagong mga kalsada ay malaking hakbang sa kabuuang plano upang solusyunan ang problema sa trapiko na nagluklok sa Metro Manila bilang isa sa ‘world’s most congested cities.’ Ngunit ang malalaking proyektong ito ay gugugol ng ilang taon bago matapos.
Pansamantala, kailangan nating umasa sa MMDA at sa mga programa nito ng pagsasanay at pagpapatupad ng batas-trapiko.
Nakita natin ang mga pagbabago sa mga nakalipas na araw, umaasa tayo na mas marami pang pagbabago ang ating masasaksihan sa mga darating pang linggo at buwan.