NGAYONG 2018, mahalaga ang ika-15 ng Hunyo para sa mga kapatid nating Muslim sa iniibig nating Pilipinas at maging sa buong daigdig sapagkat ipinagdiriwang nila ang EID’L FITR - isang pagdiriwang matapos ang Ramadhan o isang buwang pag-aayuno. Ang Eid’l Fitr ay natatapat sa unang araw ng Shawwal, ang buwan na sumunod sa Ramadan sa kalendaryo ng Islam.
Ang Eid’l Fitr ay isang regular holiday batay sa Republic Act No. 9177 na ang author sa Senado ay si Senador Loren Legarda. Sa House version, ang mga author naman ay sina dating Sulu Representative Gerry Salapudin, ng Mindanao; Nur Jaafar, ng Tawi-Tawi; Munir Arbison, ng Sulu; Banasing Macarambong, ng Lanao del Sur; at Mamintal Adiong, ng Lanao del Norte.
Mula nang maisabatas ang RA 9177, ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr ay naging national holiday. Layunin nito na mapalawak ang kultura ng pagkakaunawaan at pagkakaisa.
Ang mga kapatid nating Muslim, kabilang ang mga Muslim sa Rizal, ay nagtungo sa mga piniling lugar para sa kanilang congregational o sama-samang pagdarasal matapos ang bukang-liwayway. Sa Maynila, nagtungo sa mosque sa Quiapo at sa mosque sa Taguig City. Sa eastern Rizal, ang mga kapatid natin Muslim ay nagpunta naman sa kanilang mosque sa Barangay Batingan, Binangonan, Rizal.
Ang Eid’l Fitr ay isa sa mahahalagang religious event sa Islam na ang mga muslim, bilang bahagi ng pagdiriwang, ay nagbibigay at nagbabahagi ng pagkain sa mahihirap na kapitbahay, mga kamag-anak, at kaibigan. Nag-aalay ng panalangin para sa kapayapaan at pagkakaisa ng pamayanan. At katulad ng Pasko ng mga Katoliko, ang mga batang Muslim ay nakatatanggap ng regalo mula sa kani-kanilang magulang at mga kamag-anak. Ang pagbibigay ng regalo ay bahagi ng kanilang papuri kay ALLAH, tawag sa Diyos ng mga Muslim, sa lahat ng mga biyayang kanilang natanggap.
Matatandaan na mula noong Mayo 15, sinimulan ng mga kapatid nating Muslim ang Ramadhan. Isang sakripisyo mula bukang-liwayway hanggang takip-silim o paglubog ng araw. Ang isang buwang pag-aayuno ay tinampukan ng mga ritwal tulad ng Subu o morning prayer; Suhur o almusal bago mag-4:00 ng madaling araw; at Magrib o sunset prayer na parang Angelus ng mga Katoliko. Ang Magrib ay sinusundan ng pag-inom ng juice o ng tsaa. Pagkatapos, pinagsasaluhan ang tinapay at Putil o isang masarap na pagkain para sa hapunan.
Idinaraos ang Ramadhan taun-taon ng mahigit isang bilyong Muslim sa buong daigdig, kabilang na rito ang sampung milyong Muslim sa Pilipinas. Bagamat mahirap, ginagawa nila ang Ramadhan bilang pagsuko sa Panginoon. Pagtupad ito sa utos ng Daklang Allah na nakasulat sa Koran - ang Bibliya ng mga Muslim. Ang kahalagahan ng pag-aayuno ay ang pagbuo ng kamalayan kay Alllah sa puso at kaluluwa ng mga nag-aayunong Muslim.
Ang salitang Eid’ Fitr ay hango sa salitang Arabic na EID at AL FITR. Ang EID ay nangangahulugan ng busilak, at ang kahulugan naman ng AL FITR ay fast breaking o pagtatapos ng pag-aayuno. Kapag pinagsama ay nangangahulugan ng festival o pagdiriwang.
-Clemen Bautista