“HINDI kailanman magiging self-sufficient sa bigas ang bansa,” wika ni Pangulong Duterte. Sinang-ayunan naman ito ni Presidential Spokesman Harry Roque. Aniya, totoo ang sinasabi ng Pangulo tungkol sa kalagayan ng bigas sa ating bansa, pero hindi niya alam ang dahilan ng Pangulo kung bakit niya nasabi ito. “Marahil katotohanan ito na nakabatay sa kasaysayan na lahat ng administrasyon ay nagtangkang gawing masagana sa bigas ang bansa, pero nabigo sila,” paliwanag niya. Ngunit, inihayag ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na sa taong ito ay magiging self-sufficient ang bansa. “Maliwanag na hindi ito mangyayari ngayon,” sabi ni Roque sa mga mamamahayag nang kumprontahin hinggil sa sinabi ni Sec. Piñol.
Tama si Roque na katulad ng mga nakaraang administrasyon, bigo rin ang administrasyong Duterte na gawing self-sufficient sa bigas ang bansa. Ang pagmamalaking tinuran ni Sec. Piñol ay wala itong batayan. Ito ay fake news, dahil iisang programa ang kanilang pinairal. Nakasentro ito sa kaganiran at walang pagmamahal sa kapwa at bayan.
Wastong hakbang sana ang ginawa ng Pangulo nang hirangin niya si Rafael Mariano bilang Department of Agrarian Reform. Pinigil niya ang mga nais ng mga may-ari ng malawak na lupain, na iukol sa mga proyektong hindi sakop ng land reform. Nasa proseso siya na pairalin ang tunay na reporma sa lupa. Ibinalik niya ang mga magsasakang pinatalsik sa kanilang sinasaka. Ang layunin ng tunay na land reform ay ibigay ang lupa sa mga sumasaka nito. Ang nangyari, hindi kinumpirma ng Commission on Appointments ang kanyang pagkakahirang. Ayaw ng mga mambabatas ang ginawa ni Mariano.
Totoo na sa pagpapairal ng reporma sa lupa, nagpapamahagi si Pangulong Digong ng mga titulo sa lupa sa mga magsasaka. Isasailalim pa raw niya ang Boracay sa land reform. Kahit ba ibigay mo sa mga magsasaka ang lupang sinasaka nila kung hindi naman sila susuportahan ng gobyerno, na nangyayari, darating ang araw na ibebenta rin nila ang lupa. Binigyan ang mga magsasaka, na mababahagian ng lupa sa Boracay, ng laya na ibenta o iparenta ang lupa makalipas ang sampung taon.
Bukod sa hindi tinutulungan ng gobyerno, ang polisiyang pinaiiral nito ang kumakalaban sa mga magsasaka. Isa na rito ang import liberalization. Binubuhay ng gobyerno ang mga magsasaka ng ibang mga bansa. Hindi na tayo tumigil sa pag-angkat ng bigas. Ang gobyerno, sa pamamagitan ng National Food Authority, ay aangkat na naman ng 200,000 metric ton na bigas sa Vietnam. Sa kaganiran din ng iba ay nagpupuslit ng bigas sa bansa tulad ng bigas buhat sa Thailand na nasabat sa Bureau of Customs. Ang talagang programa sa bigas, kahit anong administrasyon ito, ay nabubuhay sa miserableng buhay ng taumbayan. Sinasamantala ang kanilang kagutuman.
-Ric Valmonte