Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 19 na banyaga na wanted sa kani-kanilang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa drug trafficking at pandaraya sa call center, sa follow-up operation sa Muntinlupa City, nitong Huwebes. Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng BI at Royal Thail police nang salakayin ang isang gusali sa Posadas Village, Barangay Sucat, Muntinlupa, na ginagamit umano sa pagpapatakbo ng ilegal na call center company.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, sa nabanggit na bilang, 16 dito ay Thailander habang tatlo naman ay Taiwanese.

Paglilinaw ng BI, ilegal ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhan at maaari umano silang magdulot ng kapahamakan sa kaligtasan at seguridad ng publiko dahil pinaghahanap sila ng batas.

“We received information from the Royal Thai Police that they are fugitives from justice and a part of a large-scale criminal syndicate that have been operating an illegal call center in the country. They have amassed millions of Thai Baht by committing fraud and victimizing Thai people in the Philippines,” ayon kay Morente.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ang sindikato, aniya, ay unang pinatakbo sa Cambodia at Malaysia at pinalalawak ang kanilang operasyon sa Pilipinas.

Kinumpirma naman ni BI spokesperson Dana Krizia Sandoval na kinansela na ng Thai government ang pasaporte ng 16 na dayuhan.

Aniya, ang tatlo namang Taiwanese ay isinasangkot sa drug trafficking sa Taiwan kung saan kinilala ang kanilang leader na si Wu Chang Long, na matagal nang tinutugis.

Nakatakdang isailalim ang mga suspek sa inquest proceedings at ikukulong sa BI sa Taguig City.

-Mina Navarro