MARAMING kaugalian ang patuloy na iniingatan ng mga Pilipino sa gitna ng modernisasyon— paggalang sa mga nakatatanda, matatag na pamilya, kahandaang tumulong sa sinuman, pagpapaubaya sa iba, paglalagay sa kababaihan sa pedestal— ang katangian ng isang “dalagang Pilipina.”
Ang ibang mga bansa ay nagpapahalaga sa ibang katangian tulad ng pagiging malakas na pagkatao, malakas na batas, at kautusan. Pinaghihinalaan nila ang hindi nila kakilala, pinapabayaang tumayo sa sariling mga paa ang kanilang mga anak, mahigpit na naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at hindi nila nakikita ang isang babae bilang mahinang nilalang na dapat alagaan.
Ngunit patuloy na nagbabago ang mga kaugalian sa buong mundo at maraming Pilipino ang hindi na tumatanggap sa iisang katangian ng “dalagang Pilipina” sa kanyang pedestal na dapat protektahan mula sa panganib at respetuhin. Kaya naman marami ang mabilis na dinepensahan ang “Seoul kiss” ni Pangulong Duterte bagamat marami rin naman ang hindi natuwa rito.
Marami ang nakakita sa paghalik ng Pangulo sa isang Pilipina sa entablado habang nakikipagpulong siya sa mga OFWs sa kanyang naging pagbisita kamakailan sa South Korea bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na maging kaisa nito. Ngunit itinuring ng ilan ang nangyari na isang kawalan ng respeto sa kababaihan at hindi angkop na gawain ng isang pangulo ng bansa.
Agad simibol ang komplikasyon mula sa mga dumipensa sa Pangulo, kabilang si Malacañang communication assistant Mocha Uson na nag-post ng larawan ng dalawang babaeng humahalik kay Sen. Benigno Aquino, Jr. sa pagdating nito sa Manila International Airport, mula sa Estados Unidos, kung saan siya binaril makalipas ang ilang minuto noong 1983. Agad bumuwelta ang anak ng Senador na si Kris Aquino dahil maliwanag na magkaiba ang dalawang sitwasyon.
Naglabas ng kanya-kanyang opinyon para sa magkabilang panig ang mga kolumnista mula sa media at maging mga opisyal ng iba’t ibang partido.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ng anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na sasamahan na niya ang Pangulo sa mga susunod nitong biyahe sa ibang bansa, upang masiguro na hindi na muli mangyayari ang ganoong insidente. Walang pagbatikos o depensang sinabi rito, tanging ang pangangailangan na maiwasan ang anumang komplikasyon.
Panahon na para kalimutan natin ang “Seoul kiss” at ang kontrobersiya na nilikha nito dahil maraming Pilipino pa rin ang naniniwala sa katangiang dapat taglayin ng isang tunay na “dalagang Pilipina” habang marami rin ang naniniwala sa makabagong mundo ng indibiduwalismo at pagkakapantay-pantay. Umaasa tayo kay Sara na matutulungan tayo na huwag nang lumaki pa at pag-aksayahan ng panahon ang kontrobersiyang ito at sa halip ay ilaan na lamang ang atensiyon sa mas mahahalagang usapin na nakaugnay sa interes ng bansa.