MAY kasabihan na ang sumisira sa bakal ay ang kalawang. Ito ay patungkol sa magkaibigan o magkalapit na magkasama na sa dakong huli pala ay isa sa kanila ang sisira sa kanilang pagsasama.
Sa kaso ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), marahil ay puwedeng i-aplay dito ang ilang miyembro ng kanyang gabinete na naging kasama, kaibigan at kaklase niya noon pa. Meron din daw na iba pang appointees niya ang posibleng magsilbing “kalawang” na sisira sa layunin niyang maibigay sa mga Pilipino ang mahusay at matinong pamamahala.
Binanggit nila rito ang pinakahuling pangyayari na sangkot si PCOO Assistant Sec. Mocha Uson na sa layuning ipagtanggol ang paghalik ng Pangulo sa isang may asawang OFW sa South Korea, ay naglabas naman ng video footage tungkol sa yumaong ex-Sen. Ninoy Aquino na hinahalikan ng ilang babaeng tagahanga, sa loob eroplano nang siya’y pauwi sa Pinas noong Agosto, 1983.
Maraming naalibadbaran sa inasal na ito ni Ms. Mocha dahil bakit idadawit niya si Ninoy Aquino tungkol sa isyu ng paghalik ni PRRD. Si Ninoy ang siyang hinalikan ng mga babae samantalang si Mano Digong ang humiling na halikan ng babaeng OFW sa labi.
Pinayuhan daw nina Special Assistant to the President Bong Go si Mocha na humingi ng apology kay Kris Aquino na labis na dinamdam ang pagsasangkot sa kanyang ama sa ‘halikan blues’. Mismong si PDu30 ang nagpayo rin kay Uson na mag-apologize. Pero matigas si Asec. Uson, tumanggi siya.
Hindi marahil alam ng Pangulo na ang mga ginagawi at inaasal ni Uson ay parang kalawang na sumisira sa pagmamahal at paghanga sa kanya ng mga tao. Bukod kay Mocha, may ilan pang cabinet members ang parang mga kalawang na nagwawasak sa magandang layunin ng Presidente para sa bayan dahil sa pagkakasangkot sa kurapsiyon at illegal drugs.
Siyanga pala, plano ni Davao City Mayor Sara Duterte na tuwing bibisita sa abroad ang kanyang ama, siya ay sasama na upang mapaalalahanan ang “pilyong” tatay na iwasan ang tulad ng paghalik sa isang may asawang babae kapag may pagtitipon ang Filipino community.
Dapat pala ay kasama siya sa South Korea official visit ni PRRD, pero dahil kulang sa budget, hindi siya nakasama. Ngayon daw, kahit personal na gastos ay sasama siya sa abroad upang maiwasan ang eskandalo ng paghalik na nagbunsod kina Kris Aquino at Mocha Uson para mag-away.
Erratum: Noong Lunes (Hunyo 11), lumabas sa kolum ko na ipagdiriwang ng bansa ang ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hulyo 18. Dapat ay Hunyo 12 sapagkat noong Hunyo 12, 1898 idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang Araw ng Kalayaan. Pasensiya na po kayo.
-Bert de Guzman