“Nagpagas lang,” ito ang sabi ni Lt. Col. Jose Ritchie Pabilonia, commander of Philippine Airforce’s (PAF) Tactical Operations Group sa Southern Mindanao na ang tinutukoy ay ang paglapag ng Hyushin II 76, isang Chinese military plane sa Davao International Airport nitong nakaraang Biyernes. Pinahintulutang lumapag ng PAF ang eroplano, aniya, dahil may diplomatic clearance. Ayon naman kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, ang paglapag ay hiniling para sa partikular na layunin at pinahintulutan naman sa kondisyong dapat sundin ng China. “Wala namang masama sa paglanding at pagpapagas,” wika niya, “dahil ang Philippine aircraft ay gumagawa rin ng technical stop kung kinakailangan sa ibang mga bansa,” paliwanag niya. Pero, nang tanungin si Pabilonia sa panayam sa kanya sa telepono, kung bakit ang II 76 na dala ng People’s Liberation Army ay pinili ang Davao City para dito magpagas, hindi niya raw alam.
Hindi kaya sa kahilingan ni Pangulong Duterte kaya sa Davao International Airport lumapag ang eroplano ng China? May mga ibang paliparan ang bansa, bakit nga naman sa Davao pa napiling magkarga ng gas. Dito kaya kinapos ito ng gas? Unang pagkakataong ginawa ito ng China sa ating bansa. Para sa akin, ipinakita ng China na kaya niyang tuparin ang ipinangako sa Pangulo. Nagdry run ito para sa layuning ito. Si Pangulong Digong ang mismong nagsabi na nangako si Chinese President Xi Jingping na hindi siya mapapaalis sa pwesto.
Kaya makahulugan ang paglapag ng Chinese military plane sa Davao. May nararamdaman si Pangulong Duterte na hindi magandang mangyayari. May nagawa siyang halimaw na siya rin mismo ay natatakot dito.
Kumilos na si Trump para proteksyunan ang karapatan ng Amerika at iba pang mga bansa sa freedom of navigation. Hinikayat niya ang mga ito na magkaisa upang labanan ang mistulang pag-angkin ng China sa West Philippini Sea. Eh ang pananahimik ni Pangulong Digong at ang takot niyang salungatin ang China sa ginagawa nitong pagpapalawak ng pwersa at impluwensya sa lugar ang dahilan kung bakit naging posible ito. Hindi lang ito ang problema ng Pangulo sa mga ibang bansa. Ang problema rin niya ay iyong paraan ng pagpapatakbo ng gobyerno. Hindi nila ito nagustuhan lalo na iyong mga pagpatay na hindi kumikilala sa batas at karapatang pantao.
Ang problema ng Pangulo sa West Philippine Sea at sa loob ng kanyang bansa ay hindi na maitatago. Katatakutan mo ang mga ito dahil ang nagrereklamo na ay ang mga mamamayan na nagugutom na. May magagawa ba ang pag-display mo sa iyong bansa ng pwersa ng ibang bansa, para sa sarili mong proteksyon laban sa iyong mamamayan, na hindi mo na masolusyonan ang nararanasang kahirapan at kagutuman?
-Ric Valmonte