BUKAS, Hulyo 18, ipagdiriwang ng bansa ang ika-120 taong kasarinlan matapos iproklama ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Pilipinas sa pananakop ng mga Kastila. Noon namang Hulyo 4, 1946, binigyan ng ganap na kalayaan ang Pilipinas ng United States, na sumakop sa bansa matapos lumayas ang mga Kastila. Dalawang proklamasyon ng KALAYAAAN. Ang tanong: “Malaya nga ba tayo”?
Anim na kongresista at 87 lokal na opisyal (67 ang mayor) ang nasa narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Sinu-sino ba sila PDEA Director General Aaron Aquino? Sa ikawawala ng duda ng publiko at sa pagpapairal ng katarungan, marahil ay dalawang bagay ang dapat isagawa ng PDEA upang ito ay maging katanggap-tanggap sa mga mamamayan.
Una, ilathala ang pangalan ng anim na congressmen at 87 local officials; at ikalawa, ihabla sila sa hukuman, pag-usigin at papanagutin. Sana naman DG Aquino, hindi lang ordinaryong drug pushers at user ang inyong huhulihin (o papatayin) ng PNP kundi maging ang mga pinuno ng gobyerno na protector o kaya naman ay drug lords. Inuulit namin, walang droga na maitutulak at magagamit ang mga ito kung walang shabu suppliers at smugglers.
Ayon kay Aquino, ang nasa narco list ay 67 alkalde, anim na kongresista, ilang vice governor at ilang vice mayor na karamihan ay nasa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) at Northern Mindanao.
Sinabi ni Aquino na naghihintay na lang siya ng utos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kung kelan niya ihahayag ang narco list sa publiko. Dalawang kongresista ang nanawagan sa PDEA na tukuyin ang pangalan ng mga mambabatas na nasa narco list upang malaman ang katotohanan.
Sabi ni Isabela Rep. Rodolfo Albano III: “Dapat pangalanan ng PDEA kung sino sila at tiyaking may ebidensiya na makatatayo sa hukuman. Dapat silang maghain ng criminal charges laban sa mga ito at ethics complaint sa House of Reps.” Ayon naman kay Quezon City Rep. Winston Castelo, dapat maghain ng formal complaint sa halip na publicity. Dapat isipin ng PDEA na ang isang tao ay inosente hanggang hindi napapatunayang may sala.
Pinagsabihan ni Albano si Aquino na sana’y matuto ito sa mga pagkakamali sa nakalipas. Binanggit niyang nag-release ang PDEA ng mahigit sa 200 barangay officials na umano’y sangkot sa illegal drugs bago ang barangay elections. Isang biyuda ang nagreklamo kung bakit isinama ang ginoo sa listahan gayong ito ay patay na noon pang 2017. Binanggit din na nag-apologize si PRRD nang isama sa listahan si Pangasinan Rep. Amado Espino gayong hindi naman pala ito sangkot sa droga.
Sumikad ang inflation sa pinakamataas na antas sa nakalipas na limang taon -- 4.6 porsiyento nitong Mayo 2018. Nangangahulugan na ang rate of increase sa presyo o consumer prices ay biglang nagsitaas habang ang sahod o kita ng mga tao ay nananatiling mababa.
Mismong si Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Nestor Espenilla Jr. ang nagsabi na dapat bantayang mabuti ang inflation outlook dahil ang consumer price index (CPI) nitong Mayo ay nananatiling mataas. Gayunman, sinabi ng economic at finance managers ng Duterte administration na ang inflation o pagtaas ng mga presyo ay hindi bunsod ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion) Law kundi ng pagsikad ng fuel sa world market, paghina ng halaga ng piso kontra dolyar, profiteering ng mga negosyante at iba pa.
-Bert de Guzman