DUMAAN ang Cignal sa pahirapang laban bago nakamit ang top seeding sa pagtatapos ng elimination ng Premier Volleyball League (PVL) 2 Reinforced Conference men’s division kahapon sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Naungusan ng HD Spikers ang Philippine Army sa loob ng limang sets, 25-16, 22-25, 25-18, 24-26, 15-10 upang makamit ang pang-apat na panalo sa loob ng limang laro.

Umiskor si dating UAAP 5-time MVP Marck Espejo ng 28 puntos na kinapapalooban ng 23 attack points, 4 na service aces at isang block bukod pa sa 14 na excellent receptions upang pangunahan ang nasabing panalo ng HD Spikers.

Kasunod ni Espejo, nag-ambag din ng double digit outputs sina Ysay Marasigan at Wendell Miguel na nagsipagtala ng 16 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Halos hindi nagkalayo ang dalawang koponan sa kanilang attack points kung saan nagposte ng 54 ang Cignal kumpara sa 52 lamang ng Army. Ngunit, nagdomina ang HD Spikers sa net at service box matapos magtala ng tig-11 blocks at aces kumpara sa tig-5 lamang ng Troopers.

Tumapos na topscorer para sa Army si John Patrick Rojas na nagsalansan ng 16 puntos na lahat galing sa attack points. Sinundan soya nina Benjaylo Labide at John Ian Depamaylo na may tig-11 puntos.

Dahil sa pagkatalo, nagtapos ang Army na pinakahuli taglay ang kabaligtarang 1-4 marka.

-Marivic Awitan