SA panahon ng administrasyong Marcos, naglabas ang pangulo ng Presidential Decree (PD) No. 478 na nagtatakda ng Kapangyarihan at Tungkulin ng Office of the Solicitor General, na nagpapahintulot sa OSG na makatanggap ng allowance at honoraria para sa ibinigay nitong serbisyong legal sa mga kliyente nitong ahensiya. Sa pagkawala ng Kongreso sa panahon ng batas militar, nagsilbing batas ng bansa ang inihaing PD ni dating Pangulong Marcos.
Noong Abril 25, 1985, inilabas ng Commission on Audit (CoA) ang Circular 8525-E na naglilimita sa allowance ng gobyerno sa 50 porsiyento ng suweldo ng empleyado.
Noong Marso 30, 2007, ipinatupad ng Kongreso ang Republic Act (RA) 9417, isang kautusang nagpapatibay sa Office of the Solicitor General, na muling nagsasabi na maaaring makatanggap ng allowance at honoraria ang mga abogado ng OSG para sa serbisyo ibinibigay sa mga kliyente ng ahensiya.
Nito lamang Hunyo 1, 2018, inilabas ng CoA ang isang audit report sa opisina ng Solicitor General, na naglalahad na si Solicitor General Jose Calida at iba pang abugado ng OSG ay nakatanggap ng labis na allowance at honoraria noong 2017 at inuutusan silang ibalik ang kabuuang P10,774,283 sa pamahalaan.
Sa kabuuang ito, sinabi ng CoA na nakatanggap si Calida ng P8.37 milyon sa kabila na P913,950 lamang ang nararapat niyang makuha, na umaayon sa 50% niyang suweldo kada taon. Binanggit ng CoA ang Circular 8525-E na naglilimita sa 50% na allowance.
Labing-apat pang abugado ng OSG ang nakatanggap nang mas mababang halaga base sa ulat ng CoA. Umaabot sa P837,252 hanggang P9,394 ang umano’y labis na halagang kanilang natanggap noong 2017.
Mariing itinanggi ni Solicitor General Calida ang ulat ng CoA, na sinabing hindi kayang manaig ng isang administratibong sirkular laban sa isang batas.
Isa itong legal na isyu na nararapat lamang na masolusyunan. Ang sinasabing limitasyon ng CoA ay hindi matatagpuan sa batas, tulad ng ipinupunto ni Calida. Ngunit nilalabag ba nito ito?
Sa anumang legal na kontrobersiya, ang bagay na ito ay kailangang mapunta sa Korte Suprema upang mapagdesisyunan. Sa Korte Suprema kung saan nanalo kamakailan si Solicitor General Calida sa kaso ng quo warranto na kanyang inihain laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
May kaiba sa isyu, ilang opisyal ang natatanong sa kaangkupan ng sinumang kawani ng gobyerno na nakakukuha ng allowance sa milyong halaga—sa kasong ito, P8.97 milyon noong 2017, apat na beses na mas malaki sa kanyang taunang kita.
Ngunit bago ito, pinakamabuting gawin ang lutasin ang legal na kontrobersiya, dahil baka may iba pang mga kaso sa pamahalaan na hindi pa nailalantad. Kapwa naninindigan ang CoA at OSG sa kanilang pahayag. Marapat na lutasin ng Korte Suprema ang isyung ito.