NAKATUTUWA ang nakikita kong pagtutulungan ng pribadong sektor na may-ari ng mga higanteng mall sa bansa at ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa makabuluhang kasunduan ng dalawang panig na ang lubos na makikinabang ay ang taong bayan.
Wala akong makitang dahilan upang palagpasin ko ang pagpuri – isang masigabong palakpakan para sa kanila – sa proyekto nilang ito na makatutulong ng malaki, sa matagal nang problema sa pagkuha at pag-renew ng pasaporte ng mga kababayan nating mangingibang bansa upang magtrabaho, makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay, makapagnegosyo at makapamasyal.
Lubusan nang pumayag ang mga mall owners na gaya ng SM Prime Holdings at Gaisano Group – nauna na sa kanila ang pamunuan ng Robinsons – upang bigyan ng mga LIBRENG puwesto sa kanilang mga naglalakihang mall sa iba’t ibang panig sa bansa, ang mga bubuksang DFA Consular Office (DFA-CO). Ang mga opisinang ito ay magpapabilis sa masalimuot na proseso ng pagkuha ng pasaporte, lalo na para sa mga kababayan nating taga-probinsiya – at hopefully, ito na rin ang maging kalutasan sa nagkalat na FIXER sa loob at labas ng mga tanggapan ng DFA.
“We would like to thank SM Prime Holdings and the Gaisano Group for expanding their partnership with us,” sabi ni Secretary Alan Peter Cayetano, matapos ang pagpirma ng “memoranda of agreement” sa pagitan ng DFA at SM Prime Holdings at Gaisano Malls, para sa libreng renta sa pag-host ng DFA – CO sa kanilang mga mall. “We expect to serve the public better and quicker with the opening of these additional consular offices that would be hosted by our private sector partners at no cost to the government,” ani Cayetano.
Ang mga bagong DFA- CO ay matatagpuan sa SM City Dasmariñas, Cavite; SM City San Pablo, Laguna; SM Cherry Foodarama Antipolo, Rizal; at sa Gaisano Mall sa Tagum City sa Davao del Norte. Nauna lamang dito ng ilang linggo ang pagpapasinaya sa DFA–CO sa Robinsons Malls sa San Nicolas, Ilocos Norte; Santiago City, Isabela, at Tacloban City sa Leyte. May bubuksan din sa Malolos City, Bulacan; Paniqui, Tarlac at Ozamiz City at Oroquieta City sa Mindanao.
“Our new consular offices are bigger than our existing mall-based offices and will have facilities that will promote a more efficient work flow which will contribute towards faster passport application processing,” pagmamalaki ni Cayetano.
Ang lahat ng ito ay bunga ng Executive Order No. 45 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong nakaraang Oktubre 2017, na nagpapalawak sa kapasidad ng DFA na makapagbigay ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng pagtatayo ng consular office sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Asst. Sec. for consular affairs Frank Cimafranca, bukod sa mga bagong DFA – CO, dinagdagan din ang mga rumorondang “high tech van” na kung tawagin ay “Passport on Wheels program” -- na dumarayo pa sa mga malalayong lugar, barangay, opisina, at gusali na maraming tao na gustong mag renew o kaya ay makakuha ng bagong pasaporte.
Patuloy pa rin ang anim na araw na operasyon ng pagkuha ng pasaporte sa DFA-CO sa Aseana, Paranaque, sa loob ng isang linggo – mula Lunes hanggang Sabado – na sinimulang gawin noon pang buwan ng Enero 2018. Pangako ni Asec Cimafranca: “We can be expected to continue our efforts to not only increase our passport production capacity but also make our consular services more accessible to the public.”
Harinawang magtuluy-tuloy na ang programang ito para sa kapakanan ng ating mga kababayan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.