ANG bilis talagang umusad ng panahon. Pagtingin ko sa kalendaryo habang isinusulat ko ang kolum para sa araw na ito, Hunyo 1, 2018 ay bigla akong napasipol ng awiting “Happy Birthday” – hindi naman ako ang nagdiriwang, kundi itong aking #ImbestigaDAVE column dito sa pahayagang Balita.

May dalawang taong singkad na rin pala ang nakararaan nang magsimula akong magkolum na inilalabas tuwing M-W-F (Monday, Wednesday at Friday) kada isang linggo. Sa kabuuan, sa loob ng dalawang taong pagganap ko sa aking tungkuling pakikipagtalastasan sa inyong mga nagbabasa ng pahayagang ito – umabot na sa 312 ang nalathala kong mga artikulo na sumasalamin sa pangyayari sa ating kapaligiran na dapat pag-usapan, pagtalunan at punahin para sa kapakanan ng ating kababayan at kaluwalhatian para sa Inang Bayan.

Maraming salamat sa mga tumangkilik, sa pamamagitan ng text messages, email at pagtawag upang ibahagi ang mga impormasyong inyo ring nasasagap, mga puna at reklamong nais ninyong iparating sa ating mga kinauukulan, at mga makabuluhang kuru-kuro na makatutulong sa pagbuo ng makatuwirang pagpapasiya sa pagharap sa mga problema ng bayan.

Pasasalamat din sa mga “faceless” na mga kababayan nating madalas na kapalitan ko ng kuru-kuro, sa mga matataong lugar sa buong Metro Manila, na palagiang nakahandang magbigay ng kanilang opinyon sa mga pangunahing pangyayari sa ating kapaligiran. Nasa kanilang hanay kasi ang tunay na pulso ng bayan!

Sana ay patuloy ninyo akong samahan sa panibagong taong ito na aking tatahakin bilang inyong kolumnista, at sisikapin kong maging mas lalong makabuluhan at makatotohanan sa aking gagawing pagtalakay sa mga suliranin ng ating bayan at mga kababayan – at magagawa ko lamang ito sa patuloy ninyong pagtitiwala, pagsubaybay at pakikipagtalastasan sa #ImbestigaDAVE.

Noong tanungin ako ni Aris Ilagan o mas kilala ninyo sa bansag na “Boy Commute”, ang dating patnugot nitong pahayagang Balita, kung gusto kong magsulat ng kolum, partikular hinggil sa kriminalidad, seguridad ng bansa at kuntil-butil sa buhay ng mga pulis, ang maagap na sagot ko ay: “Kelan ako magsisimula?”

Sobrang halata na gustung-gusto ko -- eh bakit nga ba hindi ako magiging ganoon ka-excited? Simula kasi ng maging reporter ako sa People’s Journal, noong mga unang taon ng dekada ‘80, ay nasa police beat na ako, hanggang sa magka-EDSA Revolution noong 1986, ay police/defense reporter na ako ng Manila Times at Inquirer, hanggang sa aking pagreretiro bilang isang Senior Newsdesk Editor sa GMA7 noong 2014, ay nananalaytay pa rin sa aking mga ugat ang dugo ng pagiging isang police reporter.

Bukod pa rito, napakataas ng tingin ko sa mga kolumnista sa mga pang-araw-araw na pahayagan dito sa ating bansa kaya’t noon pa man ay pinangarap ko nang mapabilang sa kanilang hanay – yun lang, matindi ang paniniwala ko na bago ako maging isang kolumnista ay kailangan ko ng todo-todong karanasan bilang isang reporter.

Kaya naman hindi ko na iniwan ang pagiging isang police reporter, at sinikap kong magpaka-dalubhasa sa larangang ito. Makaraan ang halos 30 taon, nang sa pakiramdam ko’y handang-handa na ako upang maging isang kolumnista – dumating ang tanong at imbitasyon ni “Boy Commute” sa tamang panahon, kaya dito na ipinanganak ang #ImbestigaDAVE.

Saan nanggaling ang title ng kolum ko? Nang tanungin ko kasi ang isang taga-media na kasabayan ko sa mga coverage noon, kung ano ang magandang title para sa magiging kolum ko -- mabilis ang naging sagot nito: “Kilala kita bilang isang reporter na maraming natulungang imbestigador na pulis sa paglutas ng malalaking kasong hawak nila, dahil sa sarili mong pag-iimbestiga. Eh ‘di gawin mong title – ImbestigaDAVE!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.