DELICADEZA at hindi ang gasgas na mga palusot, ang dapat isapuso ng mga negosyanteng tinanggap ang responsibilidad na maging isang PUBLIC SERVANT, at kalimutan muna ang pagkuha ng kontrata para sa kanyang negosyo sa anumang proyekto ng pamahalaan.

Sa tuwinang may mabubuking kasi na milyones na transaksyong pinasok ng kumpanyang pag-aari ng isang opisyal ng pamahalaan, palagi na lamang ang sagot ng mga ito ay “no conflict of interest” dahil nagbitiw na bilang opisyal ng kanyang negosyo. Pagbibitiw ang palusot ng mga ito, bilang pagtalima raw sa Section 9 ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sa madaling sabi, dahil nagbitiw na sa posisyon sa kanyang kumpanya ang isang opisyal ng gobyerno ay wala na siyang pakialam dito, at maaari na itong makipag-deal o pumasok – basta sumunod lang sa public bidding alinsunod sa Procurement Act ( RA 9184) -- sa anumang kontrata ng pamahalaan.

Lokohin ninyo ang mga lelong n’yo o kaya’y ikuwento ninyo na lang ‘yan sa pagong! Sobrang gasgas na ‘yan, magpalit naman kayo ng script -- pinaglololoko ninyo ang taong bayan, eh matagal nang buking ng mga mamamayan ang palusot ninyong ‘yan.

Marahil kung nakamamatay ang MURA, marami ng tumimbuwang na katulad ninyo sa mga kalsada at bangketa, o kaya’y “bumula” ang bibig habang nasa loob ng inyong opisina, sa dami ng MURA na inaabot ninyo mula sa galit na galit na taong bayan!

Gaya nitong driver ng taxi na nasakyan ko noong isang araw, nabigla ako sa “violent reaction” niya – sunud-sunod na pagmumura -- matapos marinig sa radio ang balita hinggil sa paliwanang ng Office of the Solicitor General (OSG) na walang “conflict of interest” sa mga kontratang halos umabot na sa halagang P150 milyon, na pinasok ng security agency na pag-mamay-ari ng pamilya ni solicitor general Jose Calida. Ang lutong ng pagmumura ni Koyang Driver – hindi lang para kay Calida bagkus kasama pa ang buong pamilya nito, na aniya’y kumunsinti at nakinabang sa kawalan ng DELICADEZA ni SolGen!

Ayon kasi sa napakinggan naming balita, ipinagtanggol ni OSG spokesman Hector Calilung na inosente si Calida sa ibinibintang dito, dahil sa nagbitiw na sa puwesto si SolGen bilang chairman at presidente ng Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI) noong Mayo 2016, bago pa ito nahirang na solicitor general. Batay sa paliwanag ni Calilung, sumunod si Calida sa Section 9 ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kaya raw maliwanag na walang “conflict of interest” sa 10 kontratang pinasok ng “dating kumpaniya” ni Calida!

Ang madamdaming sabi pa ni Koyang driver na may kasabay pang pag-iling: “Tuwing uupo sa puwesto ang bagong halal na Pangulo, kinakabahan ako para sa bayan natin. Karamihan kasi sa mga nakakakuha ng ‘juicy position’ sa gobyerno, ay pambayad sa utang na loob sa mga tumulong na negosyante o pulitiko sa katatapos na eleksyon. Siyempre, namuhunan sila kaya siguradong babawi agad ng kanilang ginastos pag-upo sa makamandag na puwestong kanilang pinili. Alam nilang ‘di sila magtatagal sa posisyon na ‘yun, kaya haribas kaliwa’t kanan para makabawi agad sa kanilang puhunan. Kaya ang taong bayan ang kawawa!”

Ito ang classic na pahimakas ni Koyang Driver sa aming kuwentuhan bago ako bumaba sa aking destinasyon: “Ngayon kung ipagpipilitan nila na ilibre si Calida sa kasong pandarambong dahil ‘no conflict of interest’ palitan na lang natin ang kahulugan ng OSG – tawagin natin itong OFFICE OF THE SECURITY GUARD!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.