Pipilitin ng liderato ng Kamara na maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago mag-adjourn ang Kongreso ngayong linggo.

Sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na handa ang Kamara na magpulong hanggang Biyernes, kung kinakailangan, maipasa lang ang BBL sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment ng Kongreso.

“We are going to approve the peace bill this week and we already requested the President to certify the matter as an urgent measure,” ayon kay Alvarez.

Tinalakay nitong Martes ang pag-uusad ng BBL sa executive meeting nina Alvarez, House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas; South Cotabato City Rep. Pedro Acharon, chairman ng House Committees on Local Government; Lanao del Sur Rep. Mauyag Papandayan, chairman ng House Committee on Muslim affairs; at Tawi-Tawi Rep. Ruby Sahali, chairman ng House special panel on Peace, Reconciliation and Unity.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasama rin sa pagpupulong ang mga kasapi ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) at negotiating panel ng pamahalaan na nakikipag-usap sa panig ng mga grupong Moro.

Hiniling ng komisyon sa Kamara na bigyan ito hanggang ngayong araw upang magbigay ng kasagutan sa proposed amendments sa tinatawag na peace bill.

Sa panukalang BBL, bibigyan ang mga mamamayan ng itatatag na Bangsamoro ng isang autonomous na pamahalaan.

Hinihiling ng liderato ng Kamara kay Pangulong Duterte na ituring na urgent ang House Bill 6457 kung saan napapaloob ang BBL upang mapabilis ang pagpasa nito.

Kapag naaapruba ang HB 6457 ng kapulungan ay iaakyat ito sa Senado.

“We aim to pass the said measure on third and final reading before the sine die adjournment of Congress on June 2, 2018. Thus, we are hoping for your usual support as we work for the prompt passage of this law,” giit ng mga lider ng Kamara.

Umaasa s i Fariñas na maisasabatas ang BBL bago ang State of the Nation Address (SoNA) ni Duterte sa Hulyo 23.

Sinabi naman ni House Deputy Speaker and Camarines Sur Rep. Rolando G. Andaya, Jr. na dapat suriin munang mabuti ang Section 1, Article 12 ng HB 6475, na nagbibigay ng fiscal autonomy sa Bangsamoro, dahil maaaring ito ay labag sa Saligang Batas.

Ayon kay Andaya, tanging ang Konstitusyon ang makapagbibigay ng fiscal autonomy at hindi ito maaaring sapawan ng isang batas na pinasa ng Kongreso.

“It is a constitutional grant and cannot be attained by membership. This is the ruling of the Supreme Court on the power of fiscal autonomy,” aniya.

-CHARISSA M. LUCI-ATIENZA