NAIS ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na gamitin ang pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na pautang para sa mga programang pang-agrikultura sa buong bansa.
“I’ll formally propose the matter during the next Cabinet meeting,” pahayag ni Piñol sa ginanap na 1st Philippine Agriculture Trade and Investment Forum sa Maynila nitong Huwebes.
Aniya, maaaring ipahiram ng pamahalaan ang pondo ng mga benepisyaryo ng 4Ps para sa kanilang mga agrikutural na aktibidad, upang magkaroon ng mapagkakakitaan, maging isang produktibong mamamayan para sa ekonomiya at makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga lugar, sa halip na tumatanggap lamang ng pinansyal na suporta sa pamahalaan.
Ang 4Ps ay isang inisyatibo na mapababa ang antas ng kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansiyal sa pinakamahihirap na mamamayan ng bansa upang makatulong na maibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng sektor na ito. Ito ay programang sinimulan pa ng dating administrasyon.
Pinamamahalaan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pondo ng 4Ps ay ginagamit din upang isulong ang kalusugan at edukasyon sa mahihirap na mga bata sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga health checkups, deworming, family development sessions, at tulong sa pag-aaral sa daycare, elementarya, at sekondarya.
“We won’t take 4Ps away from DSWD but just want to make this program’s funds available for financing livelihood activities like food production,” giit ni Piñol.
Gumugugol ang pamahalaan ng tinatayang P70 bilyon kada taon sa pagpapatupad ng 4Ps, na mas malaki aniya sa pondo ng Department of Agriculture.
Kumpiyansa ang Kalihim sa pagpapautang ng pondo ng 4Ps para sa agrikultura, na nahikayat ng 96 na porsiyentong track record ng maliliit na magsasaka at mangingisda sa pagbabayad ng mga utang nila sa ilalim ng programa ng ahensiya na Production Loan Easy Access (PLEA) sa buong bansa.
“That track record proves we can lend to people,” ani Piñol.
Ayon kay Piñol, ang proseso ng pautang sa pondo ng 4Ps ay magiging katulad din ng sa PLEA.
Dagdag pa niya, nabanggit na niya ang idea sa kanyang mga kasamahan sa pulong ng mga kabinete at marami ang sumusuporta rito.
Paliwanag pa ni Piñol, maaaring gamitin ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang salapi sa produksiyon ng mga pagkain, tulad ng heirloom rice, calamansi at cacao na tinawag niyang “rising stars.” (PNA)