Ni Bert de Guzman

MAAARI raw patigilin ng Malacañang ang humaharurot na TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusive) Law ng Duterte administration na ngayon ay nagpapahirap sa kawawang mga mamamayan na kubang-kuba sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market, bukas ang Malacañang, ayon kay presidential spokesman Harry Roque, na suspindehin ang “hefty excise tax” o malaking buwis na ipinapataw sa diesel, liquified petroleum gas (LPG), kerosene at bunker fuel na ginagamit sa pag-produce ng elektrisidad.

Aminado ang mga opisyal ng administrasyon na ang buwanang pagtaas ng consumers prices mula noong Enero ay bunsod ng oil taxes sa ilalim ng TRAIN. Nagpapataw ang TRAIN ng kabuuang P6 tax sa diesel, cooking gas, kerosene at bunker fuel. Ang buwis o levy ay hanggang sa 2020.

Sa taong ito, ang installment ng buwis ay magkakaiba sa mga produkto. Sa diesel, P2.50 bawat litro, sa cooking gas ay P1. Ang nalalabi o remainder ng P6 ay kukulektahin sa susunod na taon at 2020.

Para kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, kailangang suspindehin ang buwis o excise tax sa mga produktong petrolyo dahil patuloy sa pagtaas ang presyo ng crude oil sa world market. Halos umabot na sa $80 per barrel ang halaga nito. Ayon kay Roque, okey lang sa Malacañang na suspindehin ang koleksiyon ng excise tax sa oil products kapag ang bawat bariles ng krudo ay sumagad na sa $80.

Noon, kinagalitan ng taumbayan ang PNoy administration dahil sa kapalpakan at anomalya ng TREN (MRT-3) nito. Bukod daw sa malimit na pagtirik ng MRT-3 noon (hanggang ngayon yatang PRRD admin ay tumitirik pa rin), nalambungan pa rin ng anomalya, kickback, at kurapsiyon ang TREN ni PNoy at ex-DOTC Sec. Jun Abaya.

Ngayon naman, sinasagasaan ng TRAIN ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang halos lahat ng mamamayan sa Luzon, Visayas at Mindanao na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bigas, isda, karne, inumin, serbisyo, atbp.

Kung susuriin nating mabuti, ginawang pang-akit o come-on sa mga tao ng economic at finance managers ng PDU30 administration, na magiging malaki ang kanilang tax exemption (Income Tax Return) at lalaki rin ang kanilang take-home pay sa TRAIN.

Gayunman, ngayon nila nare-realize na balewala rin pala ang malaking take-home pay sapagkat pagpunta nila sa palengke, tindahan, grocery, tumaas naman ang presyo ng mga bilihin kaya ang naipon nila ay ubos din at abonado pa!