SA anumang solusyon para sa problema sa trapiko sa Metro Manila, malaking bahagi rito ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit 3 (MRT3) na bumibiyahe mula Quezon City sa hilaga sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) papuntang Pasig, Mandaluyong, Makati at Pasay sa Timog. Nakakatulong ito sa Light Rail Transit (LRT) na tumatakbo mula Quezon City sa kanluran ng Caloocan, at Timog sa Rizal Avenue, patungong Maynila at Taft Avenue patungong Pasay.
Pinuna ng internasyunal na komunidad ang malalang trapik sa Metro Manila noong panahon ng administrasyon ni Aquino nang tumaas ang benta ng mga sasakyan na sinamahan pa ng paghihigpit sa mga kargamentong ipinapadala mula sa mga pantalan at ang paulit-ulit na pagkaantala sa operasyon ng MRT. Binigyang pansin ito ni Senadora Grace Poe sa kanyang pagsisiyasat kung saan ginamit niya ang sariling sitwasyon nang sumabay siya sa libu-libong biyahero na pumipila sa MRT tuwing rush-hour sa istasyon ng MRT sa Quezon City. Lumabas sa imbestigasyon na pinalitan ng mga bagong opisyal ng administrasyon noong 2012 ang matagal nang namamahala na Sumitomo maintenance firm sa isang bagong kumpanya na mayroong kaunting kaalaman sa paghahawak ng operasiyon ng isang light rail.
Sa pagsisimula ng administrasyon ni Duterte noong 2016, agad na pinasimulan ang rehabilitasyon ng MRT3. Dahil sa matinding pangangailangan upang mapataas ang bilang ng mga tren na bumibiyahe, nakipagtulungan ang bagong Department of Transportation sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa MRT3 Rehabilitation and Maintenance Project.
Matapos ang mahabang pagpupulong at pagtatasa sa problema, nitong Biyernes ay nagkasundo ang dalawang panig para sa 43 buwang rehabilitasyon upang maibalik sa dati ang kondisyon ng MRT3 at kapasidad nito na gugugol ng P16.98 bilyon para sa tren, overhead power lines, track, radyo, public address at signalling system, mga istasyon at equipment depot. Lalagdaan ang kasunduan sa susunod na buwan.
Dumating sa punto na tanging pitong tren lamang ng MRT3 ang bumabiyahe at hindi nawawalan ng aberya sa loob ng isang araw, na nagdulot ng pagka-stranded ng daang-daang pasahero sa mga istasyon. Sa mga nakalipas na buwan, nagawang mapataas ng MRT ang bilang ng mga bumabiyahe tren sa 15, na nagsasakay ng 405,000 kada araw.
Inaasahang magsisimula na ngayong buwan ang bagong maintenance provider na nirekomenda ng JICA at umaasang aabot sa 20 tren ang muling makakabiyahe, na makapagsasakay ng 540,000 pasahero kada araw.
Sa pagtatapos ng 43 buwang rehabilitasyon na napagkasunduan nitong nakaraang linggo, muling babalik ang MRT sa orihinal nitong disensyo na may kapasidad na 600,000 pasahero kada araw. Magdudulot ito ng malaking ginhawa sa mga sisikang kalsada sa Metro Manila.