Ni PNA
NAKATANGGAP ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mungkahing P7.7 bilyong mga proyekto sa ilalim Road Leveraging Linkages for Industry and Trade (ROLL IT) para sa taong 2019.
Ayon kay DTI Western Visayas Regional Director Rebecca Rascon, maraming proposal na natatanggap ang ahensya dulot na rin ng malawakang orientation tungkol sa proyekto.
Ang ROLL IT ay pinagsamang proyekto ng DTI at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na ayon kay Rascon ay “road projects connecting industries to the national road” kaya mas mapapabilis ang proseso ng pagdadala ng produkto sa mga pamilihan.
Kasalukuyan nang pinag-aaralan ang mga mungkahi sa pamumuno ng central technical working group na binubuo ng DTI, DPWH at mga expert sa industriya mula sa Maynila.
Nang matanggap ang mga mungkahi, ayon kay Rascon, agad umanong pinag-aralan ng regional office ng DTI, DPWH at industry expert ang mga dokumento upang malaman kung malapit ang mga ito sa lugar kung saan matatagpuan ang industriyang prayoridad ng ahensiya. Kabilang sa anim na prayoridad ng DTI ay ang industriya ng kape, cacao, kawayan, coco-based products, processed foods, wearable at mga gamit para sa bahay.
Tiningnan din ng mga direktor ng DTI at DPWH ang “necessity at importance” ng mga inihaing proyekto.
Siniguro rin ng ahensiya na hindi madodoble ang pondo lalo’t may mga road projects din ang Deparment of Tourism sa ilalim naman ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP).
Nagtapos nitong Biyernes ang balidasyon ng mga mungkahing proyekto at inaasahan maibibigay na agad ng CTWG ang kanilang obserbasyon na susundan ng deliberasyon sa mga inihaing proyekto.
Nilinaw naman ni Rascon na hindi tiyak kung mapopondohan ang lahat ng proyektong inihain kaya, “spot checking whether what we are endorsing is really true”.
Sa P7.7 bilyong proposal, pinakamalaki ang inihain ng Iloilo na may P3.478 bilyon para sa 17 proyekto.
Sinundan ito ng Capiz, na mayroong 1.51 bilyon para sa 11 proyekto; Antique, P1.44 bilyon para sa anim na proyekto; Guimaras, P696 milyon para sa 16 na proyekto; Aklan, P410 milyon para sa limang proyekto; at Negros Occidental, P173 milyon para sa isang proyekto.