Hindi na naman natuloy kahapon ang pagbasa ng sakdal ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) laban kay Senador Leila de Lima kaugnay ng umano’y illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa halip ay nag-isyu ang korte ng kautusan na tumugon sa hirit ng prosekusyon na palitan ang kaso laban kay De Lima na illegal drug trade ng conspiracy to trade illegal drugs habang nakabimbin pa ang mosyong inihain ng senadora.
Itinakda ang pagdinig sa nasabing kaso sa Agosto 10.
Ipinagpaliban din ng Muntinlupa RTC Branch 206 ang arraignment ni De Lima matapos nitong maghain ng motion to quash nang tanggihan ni Judge Lorna Domingo ang unang motion for reconsideration on the amended information ng senador.
Itinakda ng korte ang arraignment sa Hunyo 22, sakaling maibasura ang nasabing mosyon.
Sa unang pagkakataon, binanggit ng prosekusyon na shabu ang uri ng drogang ipinapasok umano sa NBP.
Sinabi ni Boni Tacardon na nagkaroon ng kaliwanagan sa kaso dahil walang nabanggit ang prosekusyon kung anong uri ng droga ang ikinakalakal umano ng senadora.
Hindi naman napigilan ng senadora na muling magpasaring kay Pangulong Duterte matapos ang pagdinig, na aniya ay hindi karapat-dapat na presidente.
Limang araw naman ang ibinigay ng korte kay De Lima para magsumite ng requirements sa inihaing very urgent motion for furlough, upang ihirit ang pagdalo ng senador sa graduation rites ng kanyang bunsong anak na si Vincent Joshua de Lima.
Kabilang sa ipinasusumite ni Muntinlupa RTC Branch 205 Judge Amelia Fabros-Corpuz ang final program ng graduation ng anak ni De Lima, itinerary simula ng kanyang pag-alis mula sa Camp Crame hanggang sa makarating sa paaralan, gayundin ang security detail nito.
-Bella Gamotea