WARING ibang-iba ang mga kondisyon ng pagkakatalaga kay Bernadette Romulo-Puyat bilang bagong Tourism Secretary kaysa kanyang pinalitan na si Wanda Tulfo-Teo kung ang kanilang kahandaan sa paglilingkod sa publiko ang pag-uusapan.
Mauunawaan nating itinalaga si Tulfo-Teo sa panahong nakahihilo para kay Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang kanyang itatalaga sa mga sensitibong puwesto sa kanyang Gabinete. Kaibigan ng Pangulo ang mga lalaking kapatid ni Wanda.
Tulad nina Duterde at mga Tulfo, buhat din sa Davao si Gng. Romulo-Puyat, biyuda ni yumaong Atty. David Puyat. Siya ang ika-apat na babaeng Cabinet secretary mula sa Davao region.
Sa Tarlac nag-ugat ang ama ni Romulo-Puyat, si dating Senador Alberto Romulo na nakapag-asawa ng isang Dabawenya. Naglingkod din si G. Alberto bilang Executive Secretary, Finance Secretary, Budget Secretary, chairman ng Development Bank of the Philippines (DBP) at chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Responsible siya sa pagpasok ng salitang ‘Garden’ sa Island Garden City of Samal.
Mula sa Davao City ang ina ni Bernadette na si Rose Lovely Tecson-Romulo. Kasamahan ko siya sa Board ng Catholic Mass Media Awards (CMMA) Foundation. Pinamunuan din niya ang National Council on Disability Affairs noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bukod sa manang lahi ni Gng. Romulo-Puyat, mahaba rin ang mga karanasan niya sa burukrasya. Bago naluklok bilang Department of Tourism (DoT) Secretary, dati siyang Agriculture Undersecretary for Administration, Agribusiness and Marketing. Naging DA Undersecretary for Special Concerns din siya at naglingkod bilang consultant sa Presidential Management Staff sa panahon ni dating Pangulong Arroyo kaya kabisado niya ang executive department ng gobyerno.
Malinaw niyang inihayag ang kanyang misyon sa unang media briefing niya kamakailan: “President Duterte told me, ‘No corruption; review all contracts; everything must be transparent and must go through bidding.”
Kaugnay nito, hiniling niya ang courtesy resignation ng mga itinalagang mga opisyal ni Tulfo-Teo sa DoT, at inatasan ang artistang si Cesar Montano na ipaliwanag ang mga ulat tungkol sa mga naulat na hindi naaangkop niyang mga pasya bilang pinuno ng Tourism Promotions Board.
Hindi lamang utak at alindog ang baon ni Sec. Romulo-Puyat sa DoT. Ipinahihiwatig ng kanyang mga unang pahayag ang malinaw na direksiyon ng mga panuntunan niya. May katwirang magsaya ang mga stakeholder sa turismo, lalo na yaong nasa Boracay. Damdam nilang nasa mabuting kamay sila.
Binabati namin ang mga nagwaging karapat-dapat sa katatapos Barangay at Sanggguniang Kabataan Elections (BSKE). Sa mga nasasakupan naman ng mga nanalong hindi karapat-dapat, kami’y nakikiramay.
-Johnny Dayang