MAGTUTUNGO ngayon ang sambayanan sa mga nakatalagang presinto upang bumoto para sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan. Limang taon na ang nakalilipas nang huli itong idaos noong 2013 at nagkaroon pa ng hakbang sa Kongreso na muli itong ipagpaliban, ngunit sa kabutihang-palad ay hindi sumang-ayon dito ang Senado.
Simula noong 2010, awtomatiko nang isinasagawa ang pagpili sa pambansa at lokal na mga opisyal, kung saan nakaimprenta ang pangalan ng mga kandidato na pipiliin ng mga botante sa pamamagitan ng paglalagay ng marka sa parisukat o oval na hugis. Ang makina na inilaan ng Smartmatic ang bibilang ng marka at sa pagtatapos ng halalan ay mailalabas na nito ang resulta ng botohan sa isang presinto.
Nagdulot ito ng mga katanungan hinggil sa tamang pagbilang ng mga ginagamit na makina. Kahit sa ngayon, patuloy ang protesta sa Presidential Electoral Tribunal (PET) sa bilang ng boto para sa bise presidente noong 2016. Habang ikinokonsidera ng Commision on Election (Comelec) ang 25 porsiyentong marka sa mga oval bilang boto, nakatali pa rin ang pamantayan ng PET sa 50% marka sa isinasagawa nitong bilangan. Dahil dito, magkaiba ang resulta sa bilang ng Comelec at PET.
Ngayong araw, ang halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan ay hindi awtomatiko. Bawat botante ay bibigyan ng blankong balota na susulatan ng mga napili nitong kandidato. Walang panganib ng pagkakamali ng awtomatikong pagbibilang ng makina kung ito man ay 20% o 50% namarkahan. Manu-manong titingnan ng mga opisyal sa eleksiyon ang bawat balota at ilalagay ang resulta ng bilangan sa pisara upang makita ng lahat.
Pinaalalahanan ng Comelec ang bawat botante na iwasang sulatan o maglagay ng anumang tanda sa balota tulad ng marka—dahil maaari itong ikonsiderang “marked ballot” at ideklarang walang bisa. Ang mahalaga ay maisulat ng malinaw ang pangalan ng kandidatong ibinoto.
Ganito idinaraos ang lahat ng halalan bago ang 2010. Matapos maisara ang botohan sa hapon, magtitipon ang mga tao upang bantayan at panoorin ang manu-manong pagbilang sa boto na itinatala sa pisara ng silid-aralan na ginamit bilang presinto. Ang halalan ay pinagkakaabalahan ng buong komunidad—mula sa kampanya, sa botohan at deklarasyon ng mga nanalong kandidato.
Sa kaibahan, sa isinasagawang automated election para sa presidente at bise presidente, senador, gobernador, mayor at iba pang lokal na mga opisyal, isang kumpas lamang ay lumalabas na ang resulta sa mga makina.
Magkakaroon ng pagkakataon sa susunod ang ating mga opisyal na pag-aralan at bigyan ng pagtataya ang ating eleksiyon at marahil ay ikonsidera nila ang patuloy na panawagan na muling ibalik sa manu-mano ang halalan bilang mas bukas ito at nagpapakita sa hangarin ng mga tao. Ngayong araw, malugod natin tanggapin ang pagkakataon na maibahagi ang ating boto at ihalal ang barangay at kabataang opisyal na pinakamalapit sa mga tao sa ating mga komunidad sa ating bansa.