Ni Dave M. Veridiano, E.E.
NGAYON ang natatanging araw upang matulungan ng mga mamamayan ang ating pinakamamahal na bayang sinilangan sa pamamagitan ng paghalal sa karapat-dapat na mga kandidato na tumatakbong maging opisyal ng 42,036 na barangay sa buong bansa.
Partikular ako sa mga ambisyosong tao na gustong maupo sa barangay upang maipagpatuloy nila ang mga ilegal na gawain kapag nahalal ngayong Barangay Election. Ang tinutukoy ko rito – mga “negosyanteng” ang kalakal ay ilegal na droga at mga pasugalan.
Kaya nga isa ako sa mga natuwa nang ilabas ng pamahalaan ang listahan ng nakaupong opisyal ng barangay sa buong bansa na patong sa ilegal na droga – ‘yun lang medyo pumalpak dahil may nakasamang matagal na palang patay sa listahan!
Hinihintay ko rin sana ang paglalabas naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ng listahan naman ng mga ang negosyo ay “illegal gambling” o RA 1602 – nasisiguro kong mas marami ito kumpara sa nakasawsaw sa droga – ngunit walang nagkalakas ng loob na maglabas.
Medyo naiintindihan ko sila. Malaking source kasi ng “intelligence funds” kuno ng barangay ang nakukuha sa bisyong ito na itinuturing kong linta ng lipunan, dahil sa unti-unting pagsipsip nito sa konting kinikita ng mga taga-barangay na umaasang baka makakuha ng suwerte, at ang konting barya nila ay magdoble o matriple!
Kaya naman sana maging matalino at mapagmatiyag ang residente ng barangay sa pagboto ng kanilang iluluklok na kandidato. Paalala ko lang, sana ‘di lamang ‘yong mga nasa listahan ang kanilang abangan, bagkus bantayan din nila ‘yong ngayon pa lang “tatakbong kandidato” na wala rito, ngunit may alingasngas nang pasok sa ilegal na droga at “RA 1602” sa kanilang lugar.
Ito ang simpleng TIP ko sa inyo -- kung hindi sigurado sa TSISMIS hinggil sa pagkatao ng kandidatong iboboto – i-google ang bagong pangalan ng mga kandidatong hindi ninyo kilala ang pagkatao, idikit ito sa mga salitang “drugs” at “1602” --- at presto! Kahit papaano ay may malalaman kayong konti hinggil sa inyong kandidato. Dagdagan lang ng konting pagtatanong sa ilang ka lugar pa para makumpirma ang TSISMIS na inyong naririnig.
Halimbawa – kung ang tumatakbo sa inyong lugar ay kilala sa tawag na “JUN LAUREL” ngunit bago ito sa pandinig mo. I-GOOGLE lang ito at ang resulta ay pwedeng mong gawing gabay sa pagboto.
Ito ang lumabas sa aking pag-GOOGLE sa pangalang “JUN LAUREL” na aking ginawang halimbawa – “Isang dating pulis na taga Barangay South Signal Village sa Taguig, nakatira sa isang napakagarang tahanan na pinagbabaril ng mga armadong suspek noong magbabagong taon ng 2016, hindi ito napatay dahil nakapagtago, sa makapal na pader ng kanyang malaking bahay.”
Curious ako sa nakasulat sa GOOGLE. Ordinaryong pulis lang na may malapalasyong bahay sa Taguig? Ang kuwento naman ng kakilala kong imbestigador: “Ang hinala nila, tauhan ng sindikatong sangkot sa “gambling” o “droga” ang mga lumusob at namaril sa bahay ni JUN LAUREL kaya tinitingnan ng mga pulis ang anggulong onsehan sa negosyo!”
Kung botante ka sa isang barangay sa Taguig, at nakita mo sa listahan ng mga tatakbong kandidato sa inyong lugar ang pangalang ito na may ganitong background --- iboboto mo pa ba siya? Tandaang sa boto ng mamamayan nakasalalay ang kinabukasan ng barangay!
Marami namang kandidatong pagpipilian. Huwag sumugal sa mga kandidatong may “madilim na anino” – tandaan, ‘pag may “usok siguradong may nasusunog!” Huwag na ninyong hayaan ang kandidatong tulad nito ang “sumunog” pa sa naghihirap na ninyong barangay. LUMABAS na kayo ng bahay at BUMOTO ngayong araw!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]