Ni Erik Espina
ILANG pangulo na rin ang sumubok baguhin ang istraktura ng ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao). Sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, planong magtayo ng dalawang autonomous regions. Bilang paggalang sa magkaka-ibang tribo at kultura sa Katimugang Mindanao, may pamamahala para sa mga tumitira sa pulo at mandaragat, halimbawa, Jolo Sulu, Tausog, Samal, Badjao at iba pa. Iba din sa grupong lumad sa pinakamalaking bahagi ng Mindanao, halimbawa, Maguindanao, mga Maranao at iba pa.
Pagkilala ito na hindi maaaring pasgsamahin at pilitang isalpak ang mga Pilipino (Muslim) sa iisang pamamalakad. Ang pinakamatinding pagsubok na yumanig sa bansa ay ang puwersahang pagmamadali ni P-Noy na pirmahan ang Framework of Agreement sa pagitan ng ating pamahalaan at MILF. Ito ay tungo sa pagrebisa sa batas ng ARMM at gawing BBL (Bangsamoro Basic Law).
Magugunita, maraming tumutol sa hinaing bersyon ng Palasyo hinggil sa BBL sa puna na lumalabag ito sa Konstitusyon. Sitsit ng mga taga-loob, gobyerno ng Malaysia ang sumulat ng BBL upang alalayan ang “chimoy” nitong MILF.
Balik ulit tayo sa katanungan, “Bakit nagpapawis ang Malaysia sa BBL?” Dahil nga ang totoong isyu sa likod ng telon hinggil sa BBL, ay bulagin tayo sa kanilang pagkamkam sa ating teritoryo, ang Sabah. Di ba nga nagsimula ang gulo sa Katimugang Mindanao makaraang mabisto ng Malaysia, batay sa privilege speech ni Senador Ninoy Aquino, na may plano pala ang Pilipinas kunin ang Sabah. Simula noon ay pinondohan at sinindihan ng Kuala Lumpur ang labanan gamit ang MNLF at MILF. Binulgar pa ni Prince Omar Kiram na $750M dolyares ang lagay ng Malaysia para mapabilis ang BBL sa “dilaw” na pamahalaan. Ang malaking balakid sa BBL ay ang Article 10, Sec. 15-19 ng kasalukuyang Konstitusyon. Batay sa mga Justices na ‘resource speakers’ dati sa Komite ni Senador Miriam Santiago ng Constitutional Amendments, tanging unang Kongreso lang ang ginawaran ng kapangyarihang magtayo ng ARMM. Ibig sabihin, “endo” ang BBL sa susunod na mga Batasang Kapulungan.
Payo ko, ayusin na lang ang ARMM.