Ni LYKA MANALO

LEMERY, Batangas - Dalawang katao ang nasawi habang sugatan naman ang 13 iba pa, kabilang ang isang tatlong buwang sanggol, nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus na patungo sana sa isang amusement park sa Lemery, Batangas, nitong Martes.

Naiulat ng Batangas Police Provincial Office na nasawi sina Mel Jansen Aspi, 30; at Victoria Bermoy, 57 anyos.

Itinakbo naman sa Metro Lemery Medical Center at sa Batangas Provincial Hospital ang mga nasugatan na sina Jubelyn Villanueva, 33; Juvhern Villanueva, 8; Jhelyra Villanueva, 5; Helen Megan Aldos, 29; Tom Bermoy, 63; Carlisle Severus Aspi, 4; Tom Daniel Bermoy, tatlong buwan; Natividad Agualada, 61; April Aspi, 32; Baby Jean Casuno, 14; Ariane Aldos, 28; Manel Casuno, 22, at ang driver ng Isuzu Jitney (ADN-7022) na si Hernando Villanueva, 39 anyos.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Magkakamag-anak ang mga nasugatan, na pawang taga- Barangay Queens Row, Molino III, Bacoor, Cavite.

Paliwanag ni PO2 Camilo Manguiat, dakong 11:45 ng umaga at binabagtas ng mga biktima ang pataas na private road ng amusement park sa Bgy. Mayasang nang magkaroon ng problema sa makina ang sasakyan.

Hindi na nakontrol ni Casuno ang sasakyan hanggang sa dumausdos ito paatras sa bangin na may lalim na 12-15 metro.

Patungo sana ang mga ito sa Fantasy World amusement park sa nasabing bayan nang mangyari ang insidente.