Ni Bert de Guzman
May sariling paniniwala at paninindigan si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kaiba sa paniniwala ng amang Pangulo, si Rodrigo Roa Duterte (PRRD), tungkol sa isyu ng peace talks sa mga komunistang rebelde.
Inakusahan ng matapang na lady mayor ang mga rebeldeng NPA bilang terorista. Para sa kanya, hindi dapat bigyan ng proteksiyon ang kanilang human rights.
Hiniling ni Inday Sara sa amang presidente na isiping mabuti at ikonsiderang muki ang desisyon na i-resume ang pakikipag-usap ng kapayapaan sa CPP-NPA-NDF, dahil wala raw silang sinseridad. Patuloy daw ang NPA sa paglulunsad ng karahasan, pagtambang, pagpatay sa mga pulis, kawal at sibilyan.
Naniniwala si Mayor Sara na ang problema sa insurhensiya ay magwawakas lang kung ang CPP-NPA-NDF ay “sinsero, matapat at committed sa pagsisikap tungo sa direksiyon ng kapayapaan at tumbasan ang hakbang ng gobyerno para matamo ang tunay at lantay na kapayapaan.”
Congratulations sa kaibigang journalist, si Manuel “Manny” Mogato, aka Mogs, Ricardo de Leon Dalisay at Abdul Sultan, ng Thomson Reuters dahil sa pagwawagi ng Pulitzer Prize. Kasama sina Claire Baldwin at Andrew R.C. Marshall, naglabas sila ng serye ng news stories/accounts tungkol sa pagkamatay ng libu-libong tao kaugnay ng bloody drug war ng Duterte administration.
Napanalunan ni Mogato, correspondent ng Reuter’s Manila Bureau, Baldwin at Marshall ang International Reporting Category tungkol sa serye ng news at reports na may pamagat na: “Duterte’s War.” Silang tatlo ay ginawaran ng Pulitzer Price dahil sa “relentless reporting that exposed the brutal killing campaign behind Philippines President Rodrigo Duterte’s war on drugs.”
Si Mogato ang ikatlong Pilipino na nagwagi ng prestigious award na Pulitzer Prize. Ang una ay si Carlos P. Romulo na nanalo ng Pulitzer Prize noong 1942, at pangalawa si Jose Antonio Villegas noong 2008. Ilang beses na na-hack ang Facebook ni Manny kung kaya gumamit siya ng mga pangalang Sultan Abdul at Ricardo Dalisay de Leon.
Mapanganib ang ginagawang pagsusulat ni Mogs, pero ang sabi niya dapat na maging matapang ang journalist sa paghahayag ng katotohanan upang malaman ng bayan at ng mundo ang mga pangyayari!