Ni Ric Valmonte
INILATHALA sa unang pahina ng isang pahayagan nitong Martes ang larawan ng mga manggagawa na nagprotesta sa tapat ng Department of Labor and Employment (DoLE), sa pagnanais na hikayatin si Pangulong Duterte na lagdaan na ang isang executive order (EO) laban sa endo o endo-of-contract.
Kung wala itong caption, masasabi mong mga biktima ito ng extrajudicial killing o war on drugs. Sila ay humiga habang natatakpan ng mahabang karatula ang kani-kanilang katawan at paa lamang ang nakalabas.
Eh, ganito ang nakunang larawan ng mga paa ng mga napatay sa war on drugs. Tinakpan din ang kanilang bangkay. Ang pagkakaiba lang, ang mga nasa DoLE ay walang katabing baril o ilegal na droga, karatula ang nakatakip sa kanilang mga katawan at hindi diyaryo.
Upang maging makulay ang protesta sa DoLE, ginaya ng mga manggagawa ang mga naging biktima ng extrajudicial killing at war on drugs. Marahil, ang gusto nilang ihayag ay kung sinusunod ng Pangulo ang pangako niyang wawakasan ang ilegal na droga, bakit hindi niya tuparin ang pangako niyang wakasan ang contractualization. Pag-upo pa lang ng Pangulo, sinimulan na niyang tuparin ang pangako niyang lalabanan ang ilegal na droga. Sinagasaan niya ang lahat ng batas at mga batayang prinsipyong pinaghihiwalay ang tao sa hayop. Bakit hindi niya gawin ang ganitong paraan sa pagtupad niya sa pangakong wawakasan ang contractualization? Kaya nga ibinoto siya ng mga manggagawa dahil nagtiwala ang mga ito sa kanya.
Ang problema, sa kabila ng pagiging matapang at maaanghang na pananalita, mayroon din pala siyang kinikilala. Kumikilala rin pala siya ng batas. “Sa paghiling sa Kongreso na magpasa ng panukala ukol sa contractualization, tumiklop ang Pangulo sa pressure at kagustuhan ng mga negosyante,” wika ni Juluies Cainglet, vice-president for research advocacy and partnerships of the Federation of Free Workers.
Sabi naman ni Josua Mata, secretary general ng Sentro ng mga nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, “Dahil hindi niya kayang sumalungat sa mga grupo tulad ng Employers Confederation of the Philippines, ipinapasa na niya ang responsibilidad sa Kongreso.”
“Tuluyan nang umatras ang Pangulo sa kanyang pangako,” ayon naman kay Chairman Rene Magtubo ng Partido Manggagawa. Pero, sa kabila ng hindi paglagda sa EO, na may tatlong burador na pagpipilian ang Pangulo at pagkansela niya sa nakatakda niyang pulong sa manggagawa, pinaasa pa rin ni DoLE Sec. Bebot Bello ang mga manggagawa na baka may mangyaring “dramatic issuance” sa Mayo 1. Baka istilo na naman ito ng Pangulo na ginawa niya noon para makakuha ng media mileage ang kanyang kandidatura.