Ni Marivic Awitan

PAGKARAAN ng nagdaang 56 na mga laro kung saan maraming nagningning na individual performances na nagresulta sa napakaraming “unpredictable” na mga resulta at maiinit na “match-ups” hanggang sa mabuo ang Final Four casts, narito ang mga stats leaders sa iba’t-ibang individual skills sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.

Nangunguna si University of Santo Tomas top hitter Sisi Rondina bilang scoring leader.

Mula sa pagiging pang-apat noong nakaraang season, ang UAAP beach volleyball champion na si Rondina ang namumuno ngayon scoring matapos magtala ng kabuuang 296 puntos mula sa 271 spikes, 8 blocks at 17 aces.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nangingibabaw naman bilang Best Attacker si Jaja Santiago na nagkataong siya ring Best Attacker at Best Scorer noong nakaraang Season 79.Nagtala ang National University ace hitter ng 41.76 % rate.

Isang matibay na toreng mahirap tibagin sa net ang depensa ni Celine Domingo ng season host Far Eastern University na siyang nangunguna bilang Best Middle Blocker na nagtala ng kabuuang 41 blocks at average na 0.73 blocks kada set.

Namumuno naman sa service department ang nakaraang taong Finals MVP na si Desiree Cheng ng defending champion De La Salle na may kabuuang 35 aces at average na 0.66 aces per set.

Gaya ng kakamping si Majoy Baron na nasapawan ni Domingo sa blocking, naungusan din si Lady Spikers libero Dawn Macandili ng University of the East libero na si Kath Arado sa digs at reception.

Nakapagtala si Arado ng average na 6.72 digs kada frame at 53.07% efficiency rate sa kanyang service receptions.

Samantala sa setting department, minana naman ni Ateneo playmaker Deanna Wong ang korona mula sa kanyang pinalitan na si Jia Morado matapos magtala ng average na 8.54 sets kada frame.