Ni BELLA GAMOTEA
Nasa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa pagsiklab ng apoy sa ilang barung-barong sa Parañaque City, nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Fire Supt. Robert Pacis, ng Parañaque Fire Department, nagsimula ang apoy sa mga bahay sa Balicanta Compound, Barangay Don Bosco, Betterliving ng nasabing lungsod, pasado 5:00 ng hapon.
Mabilis na kumalat ang apoy na sinundan ng pagputok ng mga kawad ng kuryente at may narinig pang pagsabog na nagpalaki sa apoy na lumamon sa 100 bahay sa lugar.
Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa masikip na kalsada at ang pabagu-bagong direksiyon ng hangin sa lugar.
Umabot sa ikaapat alarma ang sunog bandang 6:00 ng gabi, at tuluyang naapula dakong 9:00 ng gabi.
Walang iniulat na nasaktan sa insidente at inaalam pa ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng awtoridad ang umano’y paglalaro ng mga bata ng siga bago naganap ang sunog.
Pansamantalang tumutuloy ang mga biktima sa F. Serrano Sr. Elementary School.