Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
MULING ipinagbunyi at pinahalagahan ng mga taga- Montanosa ang kultura at tradisyon ng pagiging Igorot at sama-samang pinatingkad ang pagdiriwang ng ika-51 Foundation Day ng lalawigan ng Mountain Province, kasabay ang cultural streetdancing presentation sa ika-14 taon ng Lang-ay Festival.
Sampung bayan ng lalawigan ang nakilahok sa selebrasyon na suot ang kani-kanilang makukulay na native costume at bitbit ang kanya-kanyang mga produkto at nagpamalas ng kani-kanilang natatanging performance sa streetdancing at float parade sa capital town ng Bontoc nitong Abril 7.
Ayon kay Governor Bonifacio Lacwasan, Jr., napakahalaga ng kultura ng Mt. Province, kaya isinasalin nila ito sa kabataan at ipinamamalas tuwing kapistahan.
Ang Lang-ay ay native dialect na ang ibig sabihin ay salu-salo, pagsasama-sama ng pamilya, hospitality , kapayapaan at pagkakaibigan sa pamamagitan ng native wine na kung tawagin ay tapuey.
Si Senator Joseph Victor G. Ejercito, na naging guest of honor and speaker, ay pinangalanan na “Bulanglang” bilang adopted Igorot son ng Mountain Province.
Sa Kaigorotan, ang salitang Bulanglang ay may intepretasyon na pagdating ulan, panahon ng pamumulakadkad o pag-usbong, matapos ang mahabang tag-init.
Ipinagkaloob din kay Ejercito ang isang “pinagpakan,” hinabing kumot; “wanes,” na tradisyunal na kasuotan ng lalaking Igorot; “bedbed,” hinabing headgear na ginagamit ng mga respetadong tao sa lalawigan; “tufay,” ang traditional Igorot spear; “kalasag,” kahoy na kalasag; at “sangi,” ang handwoven rattan backpack.
Ayon kay Lacwasan, ang pagiging adopted son ni Senator Ejercito ay bilang pagkilala sa mga naging kontribusyon nito sa mga proyektong pangkaunlaran ng lalawigan.