Ni Bert de Guzman
Walang duda, nahuli ng kandidatong si Rodrigo Roa Duterte, alkalde ng Davao City, ang imahinasyon ng mga botanteng Pilipino noong May 2016 election. Itinumba niya sina Mar Roxas, Grace Poe, Miriam Defensor-Santiago atbp. Ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy na bumilib sa kanya.
Sino ang hindi bibilib sa kanyang pangako na bababa siya sa panguluhan kapag sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay hindi niya nasugpo ang talamak na illegal drugs sa bansa? Ibibigay niya sa Vice President ang puwesto. Sino ang hindi bibilib sa pangakong tatabasin niya ang kurapsiyon sa gobyerno, papatayin ang mga bulok na pinuno at itatapon ang mga bangkay sa dagat para ipakain sa mga isda?
Sino ang hindi bibilib sa pahayag na sasakay siya sa jet ski at itatayo ang bandilang Pilipino sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal), at tahasang sasabihin sa China na teritoryo ito ng Pilipinas? Sino ang hindi bibilib sa kanya na ipalalamon niya sa taga-NAIA ang mga bala na ginagawa nilang “hanapbuhay” sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na “Tanim-Bala”?
May mga nagtatanong kung hanggang ngayon ay bilib pa rin ang mahigit sa 16 milyong Pinoy na bumoto sa kanya noon.
Hanggang ngayon ay marami pa ring bilib kay PRRD. Natitiyak kong 100 porsiyento ng mga Pilipino ay suportado pa rin ang adbokasyang sugpuin ang epidemya ng illegal drugs sa Pilipinas. Suporta pa rin siya ng mga Pinoy sa pagputol sa sungay at pangil ng kurapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Gayunman, kontra ang taumbayan sa walang habas na pagpatay sa ordinaryong mga pusher at user. Naniniwala silang ang dapat itumba ni Mano Digong at Gen. Bato ay iyong drug smugglers, drug lords, drug suppliers sapagkat kung walang shabu, walang maibebenta ang pushers, walang magagamit ang users!
Magdadalawang-taon na ngayon sa puwesto ang ating Pangulo. Hindi pa rin natatabas ang katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno, tulad halimbawa sa AFP, PNP, BOC, BIR, LTO, NAIA atbp. Hindi siya nag-jet ski sa Pagasa Shoal para magtanim ng watawat doon at sabihin sa China na amin ito. Sa halip, kinaibigan niya ang China na ayaw kumilala sa Arbitral Tribunal at patuloy sa pag-okupa sa ating mga shoal at reef.
Hindi makapaniwala ang mga residente ng Boracay Island sa pahayag ni PDu30 na isailalim sa land reform program ang isla. Sa caricature ng isang kalabaw sa isang English broadsheet noong Abril 11, bulalas nito: “Hindi ako puwedeng mag-araro doon.”
Pahayag naman ng isang residente: “Walang bukid (agricultural land) dito. Nagtatanim lang ako ng mga gulay sa aming bubungan.” Iniutos ni Mano Digong ang pagsasara sa 1,032 ektaryang isla simula Abril 26. Ayon kay Pres. Rody, ang Boracay ay isang land reform area dahil ito ay agricultural at forest land.
Dapat nating isipin na ang Boracay Island ay kilala sa buong mundo bilang isang napakaganda at kahanga-hangang beach.
Isa itong pamosong tourist destination. Ang pangunahing income o kita nito ay galing sa mga turista sa iba’t ibang panig ng mundo!