Ni NORA CALDERON
KINAKARIR ni Maine Mendoza ang personal blog niyang “Humans of Barangay”.
Tulad ng ipinangako niya sa kanyang followers, nagpi-feature na si Maine ng inspiring stories ng mga kababayan natin na nai-encounter nila ng mga kasama niya sa “Juan For All, All For Juan” segment ng Eat Bulaga na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros sa iba’t ibang barangay. Balita namin ay patuloy na nag-aaral si Maine ng photography para lalo pang gumanda ang mga kuha niya sa kanyang subjects.
Last Monday afternoon, ang 94 years old na si Lola Maria ang nai-feature niya. Birthday ni Lola Maria na personal niyang pinuntahan kaya tuwang-tuwa pagkakita sa kanya.
Ito ang kuwento ni Lola Maria kay Maine:
“Birthday ko ngayon, 94 na ako. Sa totoo lang hindi na ako naghahangad pa ng kahit ano bilang matanda na ako at masyado na akong maraming dinanas buhay. Kumbaga, kuntentung-kuntento na ako sa ganito. Kahit na ba buong buhay ko isinakripisyo ko para lang maalagaan ang mga mahal ko; tatay ko, mga kapatid ko, pati na din ibang kamag-anak ko.
Hindi na nga ako nagkaroon ng sariling pamilya kasi mas inalala ko sila, pero hindi ko naman pinagsisihan ‘yun.
‘Eto nga at ako na lang natira, ako naman ngayon ang inaalagaan. Nagpapasalamat ako dahil hanggang ngayon buhay pa ako at hindi ako pinababayaan ng Panginoon. Wala namang akong sekreto kung bakit ako umabot ng 94. Hindi naman ako nakaranas ng masyadong ginhawa sa buhay. Talagang dasal lang ako nang dasal sa Diyos... saka siguro dahil mabait ako. Sana nga ‘yung mga kabataan ngayon ay gabayan nang husto ng mga magulang nila para lumaking mabait at masikap sa buhay. Masusuwerte kayo dahil ibang-iba na ang buhay ngayon kumpara noon, sana huwag n’yong sayangin oras ninyo kaka-computer. Mag-aral kayong maigi, magsumikap sa buhay at maging mabuti sa kapwa. Baka mabuhay din kayo ng matagal.”
Hindi na isinama ni Maine sa post ang iba pang mga sinabi ni Lola Maria na umaming AlDub fan. Hiling daw niya sa Diyos na huwag muna siyang kunin hanggang hindi pa nakakasal sina Maine at Alden Richards at wala pa silang anak.
Huwag daw nilang pansinin ang mga naninira sa kanila at magmahalan lamang sila nang lubos.
As of press time, umani na ng 7,300 likes, 656 comments, at nai-share ng 502 beses ang nagkomento ang post na ito ni Maine.
Napakaraming nai-inspire sa personal blog na ito ni Maine. Sa mga gusto rin itong mabasa, i-follow lang ang Humans of Barangay sa Facebook.