Ni Mary Ann Santiago

Tatlong lalaki na pawang lumikha ng gulo s a magkakaibang lugar sa Pasig City, ang inaresto ng mga awtoridad matapos mahulihan ng ilegal na droga kamakalawa.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) director Police Chief Supt. Reynaldo Biay ang mga suspek na sina Jose Lazalita, Michael Luige Quintain at Romar Legaspi, na pawang nasa hustong gulang at residente ng naturang lungsod.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ulat ng Pasig City Police, unang inaresto si Lazalita sa Sandoval Avenue sa Barangay Pinagbuhatan, bandang 9:30 ng umaga, habang si Quitain ay nadakip sa Doroteo Extension, sa Bgy. Santolan, sa ganap na 11:00 ng umaga, at si Legaspi ay nakorner sa Dr. Sixto Antonio Avenue, kanto ng Quioque Street sa Villa Susana sa Bgy. Caniogan, dakong 8:00 ng gabi.

Nakatanggap umano ng tawag ang awtoridad na nanggugulo ang tatlo, kaya agad rumesponde ang awtoridad sa naturang lugar.

Kinapkapan ang mga suspek at nakumpiskahan ng tig-iisang pakete ng umano’y shabu.

Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Alarm and Scandal at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.