NAGDESISYON si Pangulong Rodrigo Duterte na muling buhayin ang negosasyon sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) upang ganap nang matuldukan ang 49 na taong rebelyon laban sa pamahalaan.
Matatandaang ipinatigil ni Pangulong Duterte noong nakaraang Nobyembre ang negosasyon sa CPP-NPA dahil umano sa paggigiit nito na magkaroon ng coalition government, at sa patuloy na pag-atake sa pwersa ng pamahalaan at sa mga sibilyan, sa pagtangging makipagkasundo sa pinag-isang tigil-putukan, at sa patuloy na pangongolekta ng mga ito ng tinatawag na “revolutionary taxes.”
Apat na buwan na ang nakalilipas nang kanselahin ang negosasyon, ngunit ang pag-asa sa pagbuhay nito ay nagpatuloy, ang huli ay ang resolusyong nilagdaan ng 61 miyembro ng Kamara de Representantes na humihikayat na maipagpatuloy ang negosasyon. Nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na handa siyang bigyan ng isa pang pagkakataon ang usapang pangkapayapaan sa loob ng dalawang buwan, ngunit iginiit niyang magkaroon muna ng kasunduan sa tigil-putukan at ihinto ng kilusan ang pangongolekta ng revolutionary taxes.
Ayon sa intelligence report ng Philippine Army, nagsagawa na ang NPA ng 89 na pag-atake sa mga cell tower simula 2002, 23 sa Region 5 (Bicol), 19 sa Region 11 (Davao), at 13 sa Region 3 (Central Luzon), dahil tumanggi ang Globe Telecom at ang dayuhang partner nito na Singapore Telecom na magbayad ng buwis sa NPA. Ang tatlong rehiyong ito ang bumubuo sa 62 porsiyento ng lahat ng mga pag-atake sa mga cell tower sa bansa—ang pangunahing dahilan kaya naman pahirapan ang programa sa serbisyo ng Internet sa bansa.
Ngayong taon, mistulang tumigil na ang mga nasabing pag-atake dahil sa pinaigting na presensiya ng mga grupo ng Army kaugnay na rin ng limang-buwang rebelyon at pagpapalaya sa Marawi City at sa pagpapatrulya sa mga lugar na dating kontrolado ng NPA. Isa ring posibleng dahilan, ayon sa Army, ang pinag-ibayong corporate social responsibility (CSR) program ng telco at ang pagtanggap nito ng mga residente sa lugar, karamihan ay inirekomenda ng mga opisyal ng barangay, sa kumpanya.
Ang pagtayang ito ng Army ay ginawa sa ika-120 anibersaryo nitong Marso, ayon kay Lt. Gen. Glorioso V. Miranda, commanding general ng Philippine Army, binigyang-diin ang pangako ng Army “to serve our people and secure our land”, bilang bahagi ng determinasyon nito sa pagkakaroon ng de-kalidad na sandatahan na maipagmamalaki ng bansa.
Ilang dekada nang naglalaban ang Army at ang iba pang armadong ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine National Police, laban sa New People’s Army at tunay na ipinagmamalaki natin ang kanilang kagitingan. Karapat-dapat lamang na tuluyan na silang makapahinga sa laban kontra rebelyon kapag nagpatuloy na ang usapang pangkapayapaan, na gagawin sa loob ng dalawang buwan, at tuluyan nang nawakasan ang armadong pakikibaka ng kilusan.