Naaresto ng awtoridad ang dalawang South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa panggagantso, ayon sa Department of Justice (DoJ).

Kinilala ni DoJ Undersecretary Erickson Balmes ang mga suspek na sina Koreans Lee Minhan, 30; at Park Ji Seok, 21.

Aniya, ang dalawang Koreano ay naaresto sa enforcement operations ng mga tauhan ng Provincial Field Unit of the Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Angeles City, Pampanga, nitong Martes Santo.

Ayon pa kay Balmes, dinakip ang dalawa dahil sa pagiging undocumented aliens at tinutugis sa kanilang bansa.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

Nag-ugat ang pag-aresto sa paghingi ng tulong ng Korean Embassy nitong Marso 7, at hiniling na arestuhin ang mga suspek.

Ayon pa sa opisyal, tinutugis sa South Korea ang mga suspek dahil sa panloloko sa pamamagitan ng “hacking into someone’s instant messenger account and thereby collecting sum of money amounting to 25,920,000.00 Korean Won.”

Dahil dito, inilagay ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang dalawang Koreano sa kanilang RED Notice.

Pansamantalang nakakulong ngayon sina Minhan at Seok sa Bureau of Immigration (BI). - Jeffrey G. Damicog