Ni Ric Valmonte
NANG pumasok si Panginoong Hesus sa Jerusalem, dinagsa siya ng mga taong may tangan ng iba’t ibang uri ng mga dahong maiwagayway lang nila bilang pagpapakita ng kanilang pagpuri at paggalang sa Kaniya.
Pagkalipas ng ilang araw, nang dakpin ang Panginoong Hesus pagkatapos Siyang ipagkanulo ni Hudas, ang mga tao ring ito ang sumigaw na ipako siya sa krus. Pinili nila ang kalayaan ng tulisang si Barabas kaysa kalayaan ng Panginoon, nang sila ay papiliin ni Ponsio Pilato kung sino ang kanyang palalayain. Malaking bagay marahil ang fake news sa biglang pagbabago ng taumbayan sa pagtrato nila sa Kaniya. Ganito kaepektibo ang fake news at pagkukunwari maging sa ngayon.
Ang itinuturong aral ng Semana Santa ay pagpapakumbaba. Huwag maalis sa ating puso at isipan si Panginoong Hesus.
Gawin sana natin ang ginawa ng mayamang tao na si Zaccheus. Isang araw sa Jericho, naglalakad si Jesus patungong siyudad. Maraming taong sumusunod sa Kanya at ang mga iba ay nag-uusyoso. Nais din na makita ni Zaccheus si Jesus, pero dahil sa siya ay nasa likuran at mababa, hindi niya makita ang Panginoon. Pero, hindi ito naging dahilan para mapigil siya sa kanyang planong hindi lang para makita, kundi para rin makausap si Hesus. Umakyat siya sa punong kahoy at nagbunga ang kanyang plano. Nang magkita sila ni Hesus, nagbago nang ganap ang kanyang buhay.
Tayo ay hinahadlangan din na makita si Hesus. Binubulag tayo ng ating pagkamatayog o karangyaan para Siya ay makita. Ang pagkauhaw natin sa kapangyarihan ay humahadlang din sa atin para makita Siya na pinagmumulan ng tunay na kasiyahan. Tularan natin si Zaccheus. Isinantabi niya ang kanyang dignidad bilang isang may kaya sa buhay para makita si Hesus. Isinantabi natin ang pagiging arogante at matapang para makita si Hesus. Umakyat tayo sa punong kahoy ng buhay upang makita natin Siya at tayo ay mabago para mawala ang kasakiman at kapalaluan.