Ni Aris Ilagan
NABULABOG ang motorcycle community nang magsagawa ng mass destruction ang Philippine National Police (PNP) sa mga umano’y illegal attachment sa mga sasakyan tulad ng malalakas na LED light, fog lamp, blinker, at serena.
Mistulang naalimpungatan ang iba nang bumulaga sa telebisyon ang pagpapasagasa, gamit ang isang backhoe, sa mahigit 3,000 pirasong illegal attachment na nakumpiska sa mga police checkpoint sa pinaigting na Presidential Decree 96.
Panahon pa ni “Kopong-kopong”, inaprubahan ang PD 96 ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos upang hindi bigyan ng pagkakataon ang mga sibilyan na gumamit ng mga blinker at serena o mas kilalang wang-wang.
Mismong s i PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang nagsabi na maituturing na “simbolo ng pang-aabuso” ang ilegal na paggamit ng mga blinker at serena dahil ang mga ito ay ginagamit lamang ng mga emergency vehicle.
Nang mapatalsik si yumaong Pangulong Marcos sa Malacañang noong February 1986 People Power Revolution, tanging si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang muling nagpatupad ng PD 96.
Marami ang natuwa sa pagpapatupad ni Ex-PNoy sa PD 96 dahil siya mismo at ang buong presidential convoy ay umiwas sa paggamit ng wang-wang sa tuwing sila ay bumibiyahe sa lansangan.
Subalit kamakailan, biglang humirit ang PNP na muli nitong ipatutupad ang PD 96 at kukumpiskahin din ang mga nakasisilaw na LED lights at fog lamps sa mga sasakyan.
Pinalagan naman ito ng mga motorcycle groups dahil, anila, hindi saklaw ng PD 96 ang LED lights.
Ayon kay Don Pangan ng Riders of the Phililippines (ROTP), pinalad silang makipagpulong sa pamunuan ng PNP Highway Patrol Group, upang linawin ang estado ng kampanya ng HPG laban sa LED lights at fog lights, nitong nakaraang linggo.
Inihirit ng grupo ni Pangan na mayroon nang umiiral na polisiya ang Land Transportation Office (LTO) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinapayagan ang mga motorista na gumamit ng LED lights at fog lamps ngunit sa ilang kondisyon.
Kabilang dito ang hindi pagkakabit ng fog lamps na mas mataas sa handle bar ng motorsiklo. Hindi rin pinapayagan ng dalawang ahensiya ang paglalagay ng fog lamps at auxiliary lights na mas malapit sa apat na pulgada ang layo sa isa’t isa.
Bawal din ang paggamit ng LED lights na may hihigit sa anim na bumbilya.
Ganoon naman pala. Maaaring gumamit ng mga auxiliary light basta sumunod lang tayo sa panuntunan.