Ni Gilbert Espeña

SUMAWSAW si Boxing Hall of Famer Bob Arum sa isyung gumamit ng performance enhancing drugs (PEDs) si dating WBC middleweight champion Saul “Canelo” Alvarez at ipinanukalang matagal suspindihin ang Mexican boxer na alaga ng karibal niyang promoter na si Golden Boy big boss Oscar de la Hoya.

Nanganganib ngayon na hindi matuloy ang rematch ni Alvarez kay WBC, WBA, IBF at IBO middleweight champion Gennady Golovkin na nakatakda sa Mayo 5, 2018 matapos suspindihin ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) ang Mexican na nagpositibo sa ipinagbabawal na ‘Clenbuterol’ na sinasabing nagmula sa karneng baka mula sa Mexico.

“If drugs were taken to bulk him up, they gotta suspend him, and they gotta suspend him for a long period,” sabi ni Arum sa TMZ Sports. “If it was inadvertent … then give him a pass.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naunang inakusahan ni Golovkin si Alvarez na matagal nang gumagamit ng ilegal na droga tulad ng paratang kay dating Mexican champion Juan Manuel Marquez na gumamit ng steroids sa tulong ni Memo Heredia para lamang mapatulog sa 6th round si eight-division world champion Manny Pacquiao sa kanilang huling laban noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada rin.

Bukod kina Alvarez at Marquez, nahuli ring gumagamit ng PEDs si dating WBC bantamweight champion Luis Nery dahil din sa karneng baka mula sa Mexico at ni hindi pinarusahan ni WBC President Mauricio Sulaiman at kinunsinte tulad ni Alvarez.

“Canelo blaming his positive PED test on Mexican beef is like telling your teacher, ‘the dog ate my homework’ — but Canelo’s owed due process,” dagdag ni Arum.

Magpapasya ang NSAC sa Abril 10 kung aalisin ang suspensiyon kay Alvarez na tumabla sa unang laban kay Golovkin noong Setyembre 16, 2017 kahit nalamog sa bugbog sa sagupaan.