Ni Manny Villar
ANG paggunita ng Semana Santa ay isang pagkakataon para sa mga Katoliko na alalahanin ang buhay at sakripisyo ng Panginoong Jesus Cristo. Hindi man natin maaaring gawin ang ginawa ng Anak ng Diyos upang iligtas ang mga tao, maaari siyang maging inspirasyon habang sinusuong natin ang mga pinagdaraanan natin.
Ang Kanyang muling pagkabuhay ay maaari namang maging isang inspirasyon para muling bumangon mula kabiguan at lumaban sa mga hamon.
Magandang halimbawa sa ating paksa sina Cadet First Class Jaywardene Galilea Hontoria, isang kasimanwa mula sa Pavia, Iloilo, at Cadet First Class John Vallador, ipinagmamalaking Negrense mula sa Lungsod ng Kabangkalan, na nanguna sa pagtatapos ngayong taon mula sa Philippine Military Academy at sa Philippine National Police Academy.
Gaya ng maraming Pilipino, mahirap ang pinagdaanan ni Hontoria bago nagtagumpay sa PMA. Isa siyang anak ng magsasaka at namulat sa gawaing-bukid. Naranasan niyang mapuyat sa pagpapatubig sa kanilang bukid at paggising ng alas-tres ng madaling araw upang pumasok sa paaralan.
Ang aral na ipinamana sa kanya ng kanyang ama ay ang mag-aral mabuti dahil mas magaang ang humawak ng panulat kaysa araro.
Nakatawag sa aking pansin ang sinabi ni Hontoria: Alam ko ang pakiramdam ng wala, at ito ang nagtulak sa akin na gumawa upang magkaroon ng wala sa akin. Batay sa pangaral ng aking ama, nag-aral akong mabuti upang pagdating ng araw ay magkaroon ng maalwang buhay.
Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, patungo na siya sa mas mabuting buhay. Siya ang valedictorian ng PMA Alab Tala Class ng 2018 at tumanggap ng 11 parangalan, kasama na ang Presidential Saber na ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tumanggap din siya ng isang bahay at lupa na magagamit niya sa pagtatayo ng sariling pamilya kasama ang kanyang bagong asawa—ang kasintahan niya sa kolehiyo—na kanyang pinakasalan pagkatapos ng pagtatapos sa PMA.
Sa kabilang dako, hindi na nagisnan ni Vallador ang kanyang ama, samantalang ang kanyang ina ay nagtratrabaho bilang domestic helper sa ibang bansa. Sa harap ng mga hamon sa buhay, nagsikap si Vallador at namasukan bilang katulong at mangangalkal ng basura mula sa edad na limang taon upang may makain at matulungan siya at dalawang kapatid na magkaroon ng edukasyon.
“Gamit ang laway lamang at tibay ng loob para lang kami ay makarating sa karatig-bayan kung saan namin nilalako ang aming paninda kahit sa katirikan ng araw,” sabi niya sa kanyang talumpati.
Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, kasama ang laway at tapang, pumasok si Vallador sa PNPA at ngayon ay nagtapos valedictorian ng PNPA Maragtas Class ng 2018.
Hindi ako nagsasawa sa pakikinig sa mga kuwento ng tagumpay dahil sa sipag at tiyaga. Sa panahon ko sa pulitika at maging sa pagnenegosyo, marami akong nakikilalang tao sa paglilibot sa bansa na hinarap ang kahirapan ng buhay at ginawa itong tagumpay
Gamitin natin ang panahong ito upang alalahanin natin ang sarili nating mga digmaan at ang ating mga dalahin, at umasang balang araw ay makakabangon din tayo.