Ni Bert de Guzman
MAGALING na talaga si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa pakikipagrelasyon sa ibang mga bansa bagamat “malupit” siya at mabagsik kapag ang mga Pilipino ay inaalipin, inaabuso, at pinapatay. Ganito ang nangyari nang ipagbawal niya ang deployment sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
Gayunman, mabait si PRRD kung sa akala niya ay gumagalang sa mga karapatan ng OFWs, tulad ng Saudi Arabia.
Tinanggap niya sa Malacañang ang bumibisitang si Saudi Interior Minister at Prince Abdulazis bin Saud bin Naif.
Nagpahayag ng interes ang prinsipe ng Saudi Arabia sa mga isyu ng defense at security at maging sa local government sa Mindanao.
Sa pulong, nagpahayag ang ating Pangulo ng hangaring palakasin ang relasyon sa Kingdom of Saudi Arabia at magtulungan sa paglaban sa terorismo, palakasin ang kalakalan at isulong ang mga karapatan ng Filipino migrant workers. Sana ay nakiusap din si Mano Digong na luwagan tayo sa langis ng Saudi Arabia.
Ang pagbisita ni Prince Abdulazis ay mahalaga ngayong isinusulong ng Duterte administration ang “humane conditions for overseas Filipino workers in the Middle East.” Iniutos niya kamakailan ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng walong Filipino dahil sa pagmamaltrato ng kanilang employers. Ang pinkabrutal ay ang pagpatay sa isang Pinay na isinilid pa sa freezer sa loob ng mahigit isang taon.
Totoo kaya ang alegasyon ng abogado ni Janet Lim-Napoles na pinayuhan sila ni Executive Sec. Salvador Medialdea na hilingin ang pagpapalaya sa pork barrel scam queen mula sa pagkakakulong sa Bureau of Corrections para mailipat sa house arrest?
Sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division noong Lunes, ipinaalam sa hukuman ni Stephen David, counsel ni Napoles, na siya ay nakipagpulong kamakailan sa Malacañang kasama sina DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II at ES Medialdea.
Ang pulong umano ay tungkol sa balak na pagpapalipat sa custody ni Napoles mula sa Bureau of Jail ang Management Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig tungo sa DoJ. “There was a discussion with the executive secretary that the DoJ shall take custody of Mrs. Napoles. Because of that, I sought to write on the matter”, ayon kay David. Ano ba ito?
Totoo kaya na sinuntok ni Mano Digong ang pader sa Malacañang nang malaman niyang inabsuwelto sa drug charges sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa? Namaga raw ang kamao ng Pangulo. Ayon kay Gen. Bato, nakita niya nang suntukin ni PDU30 ang pader. Ayon naman kay presidential spokesman Harry Roque, hindi niya alam ito dahil hindi niya nakita.
Kung gayon, dapat nang palayain si Sen. Leila de Lima sapagkat isa si Kerwin sa tumestigo na nagbigay siya ng P8 milyong kontribusyon. Pero kung absuwelto siya sa drug charges, hindi totoo na ang ibinigay niya kay De Lima ay drug money!