Ni Jean Fernando
Bumulagta ang hinihinalang drug pusher makaraang bistayin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Parañaque City, nitong Lunes ng madaling araw.
Dead on the spot si Alejandro Cortez Bencio, 25, ng 246 Celanville Compound, Barangay Manuyo Uno, Las Piñas City, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na ipinarating ni Southern Police District (SPD) spokesperson, Supt. Jenny Tecson, naganap ang pamamaril sa Rome Street, Tramo 2, Bgy. San Dionisio ng nasabing lungsod, dakong 4:30 ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Tecson, nakikipag-usap ang biktima sa dalawang babae, na sinasabing bumibili ng ilegal na droga, nang sumulpot ang armadong suspek at binaril si Bencio sa katawan.
Nakatakbo pa umano ang biktima, ngunit sinundan ito ng armado at muling pinagbabaril hanggang sa nalagutan ng hininga.
Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.
Sa pagsisiyasat ng SPD-Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa pinangyarihan ang anim na basyo; isang bala buhat sa .45 caliber pistol; at tatlong pakete ng hinihinalang shabu.