Ni Argyll Cyrus B. Geducos
Sinabi ng Malacañang na ang tanging paraan para hindi malagay sa alanganin ang International Criminal Court (ICC) ay ang magpasya itong itigil ang preliminary examination sa mga pagpatay kaugnay sa war on drugs.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kukumbinsihin niya ang iba pang partido sa Rome Statute, ang treaty na nagtatag sa ICC, na iurong ang kanilang membership sa High Court.
Sa press briefing sa Camarines Sur kahapon ng umaga, muling idiniin ni Roque na gumagana ang justice system sa bansa, hindi tulad sa mga korte sa Africa.
“So if the Court knows what is good for it, for the institution to survive, they will just throw the case. And again, please, the very biggest reason we withdrew from the Court is we’re not a Burundi. That’s an insult to all officers of the Court in this country,” ani Roque.
Ang tinutukoy ni Roque ay ang imbestigasyon na inilunsad ni Gambian ICC prosecutor Fatou Bensouda sa war crimes na umano’y nagawa sa Burundi simula 2015.
Nag-ugat ang preliminary examination sa Pilipinas ni Bensouda sa reklamo sa ICC ng abogadong si Jude Sabio laban kay Duterte para sa umano’y mass murder noong Abril, 2017.
Nitong nakaraang linggo, iniurong ni Pangulong Duterte ang membership ng Pilipinas sa ICC, dahil masyado na aniyang nagagamit sa politika ang korte. Sinabi ng Malacañang na kumbinsido ang Pangulo na bahagi ang ICC ng sabwatang isakdal siya sa court of public opinion.
Idiniin ni Roque na kahit wala ang panghihikayat ng Pangulo, mas marami pang partido sa Rome Statute ang nakatakdang umalis sa ICC dahil nilabag ni Bensouda ang principle of complementarity nang ipahayag nito ang kanyang imbestigasyon sa mga pagpatay at umano’y human rights violations na bunga ng madugong drug war ni Duterte.
“I think even without the President calling for member countries to pullout from the ICC, they may consider because of the development that the prosecutor breached the principle of complementarity,” ani Roque.
Nakasaad sa principle of complementarity na ang ICC ay aaktong court of last resort kapag ang mga lokal na korte ng mga partido sa kasunduan ay tumanggi o hindi kayang aksyunan ang mga pinakamalalalang krimen.
Sinabi rin ni Roque na maaaring ipagpatuloy ng ICC ang preliminary examination nito sa Pilipinas ngunit huwag itong umasa na makikipagtulungan ang gobyerno.
“That’s the Court’s call if they want to continue. I think it will be foolhardy for the Court to express cooperation from us,” aniya.