Nina Argyl Cyrus Geducos at Czarina Nicole Ong

Muling inihayag ng Malacañang na walang naging papel si Pangulong Duterte sa desisyon ng Department of Justice (DoJ) na isailalim sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) ang umano’y “pork barrel” mastermind na si Janet Lim-Napoles.

Inilabas ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos kumpirmahin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inilagay na nila sa WPP si Napoles.

Sa isang press conference kahapon sa Camarines Sur, sinabi ni Roque na umaasa lamang ang pangulo sa DoJ kaugnay ng usapin dahil hindi naman umano micromanager ang Presidente.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

“Pagdating naman po dito sa Witness Protection, ang problema, ang Presidente hindi po micromanager. Nakasaad po sa batas na ‘yung desisyon kung sino ang papapasukin sa WPP, nakasalalay po ‘yan sa mga prosecutors ng DoJ. Meron po tayong batas na sinusunod d’yan,” ani Roque.

Iginiit naman kahapon ng abogado ni Napoles na hindi “most guilty” ang kanyang kliyente sa pork barrel scam.

“Plunder can only be committed by a public officer,” ani Atty. Stephen David. “She can be charged of plunder as a co-conspirator but not as a mastermind. You have to distinguish [who is] most guilty or second guilty or least guilty.”